Hindi nakatagal nang walang kasiping

Dear Dr. Love,

Matagal na akong tagasubaybay ng inyong column. Pero ngayon lang ako nakaisip na sumulat sa inyo para ibahagi ang pangyayari sa buhay ko na kailanman ay hindi ko malilimutan.

Ako po ay isang bilanggo. Biktima ng isang hindi inaasahang trahedya ng buhay. At ang ma­saklap nito, iniwan ako ng aking asawa at anak dahil hindi siya nakatagal sa paghihintay sa aking pagbabalik.

Bago ako nakulong, isa akong OFW. Napilitan akong mangibang-bansa at mawalay sa pamilya sa pagmamadaling umasenso sa buhay. Ang sabi kasi ng aking kaibigan, ang isang welder na tulad ko ay may mataas na sahod sa Saudi.

Tiniis ko ang pangungulila. Nagtrabaho ako nang husto. Ang gabi ay ginawa kong araw para makaipon agad at makabalik sa Pilipinas.

Gusto ko kasing makatapos ng kolehiyo ang aking anak. Gusto kong magkaroon siya ng magan­dang kinabukasan hindi tulad ko na hindi nakaabot ng mataas na paaralan.

Minsan lang ako nakauwi ng bansa sa loob ng isang taon. Pero sa pag-uwing ito, masasadlak pala ako sa kulungan.

Isang kaibigan ko ang nagyaya sa akin para dalawin sa kabilang bayan para bisitahin ang isang kababata ko sa Mabolo, Cebu.

Ang hindi ko alam, ang kaibigan ko palang nagyaya sa akin ay may atraso sa isang tao roon. Habang kami’y naglalakad patungo sa bahay ng aking kaibigan, may anim na lalaking humarang sa amin. Kasama na dito ang taong may atraso sa kasama ko.

Nadamay ako sa gulo. Lumaban ako at sa pagtatanggol sa aking sarili, napatay ko ang isa sa grupo. Ang kasama ko namang kaibigan ay nasaksak at sinamang palad na nasawi.

Dumating ang mga barangay tanod. Hinuli ako at dinala sa presinto. Lumaban ako ng asunto. Pero natalo ako. Nasadlak ako sa piitan.

Nasentensiyahan na ako, nawa­lan pa ako ng asawa at anak. 

Sa tagal ng aking pagkaka­kulong, si misis ay humanap ng ibang ka­siping. Hindi siya nakatagal sa lungkot ng pag-iisa.

Wala akong nagawa kundi mag­himutok. Ano po ba ang maipapayo ninyo sa akin?

Gusto kong malimutan ang mapait kong karanasang ito. Pero paano?

Hanggang dito na lang po at nais kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Thank you po at hangad ko ang pananatiling matatag ng inyong pitak na Dr. Love.

Yours sincerely,

Richard Bulay-Og

4-A Student Dorm,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Richard,

Tama ang ginawa mong pagpa­patuloy ng pag-aaral kahit nasa loob ka ng kulungan.

Bukod sa matututuhan mo ang maraming kaalaman sa buhay at pagkakaroon ng mas malawak na pananaw ay maiibsan rin kahit paano ang pagkabagot mo sa buhay.

Tatagan mo pa ang pananalig sa Diyos dahil hindi ka Niya para pa­bayaan.

Hindi ka Niya bibigyan ng pag­subok na hindi mo makaka­yanang malusutan.

Baligtad kayo ng asawa mo. Hindi marupok ang iyong pagma­mahal dahil marahil, mas matiim ang pagnanasa mong mapaligaya at mabigyan ng magandang bukas ang iyong pamilya.

Kaya lang nga, natisod ka at na­lugmok, pero kaya mong maka­bangon.

Marahil, niloob ng Panginoon na maganap ang trahedyang ito sa iyong buhay para makita mo ang kabilang mukha ng iyong misis.

Pagbutihin mo ang pag-aaral. Magsikap kang makabangon sa pagkakalugmok mo dahil sa hindi mo napaglabanang pagkakamali.

Malay mo, sa pagpapakita mo ng kabutihang asal at tunay na pagba­bago, makuwalipikado ka sa parole o kaya’y commutation of sentence.

Huwag kang mawawalan ng pag-asa.

Sa sandaling makalaya ka na, saka mo na lang hanapin ang iyong anak para makilala ka niya.

Dr. Love


Show comments