Crush ng bayan

Dear Dr. Love,

Ako po ay isang factory worker sa isang pabrika ng sitsirya. Tawagin mo na lang akong Lerma.

Ang amo namin ay isang guwapong-guwapongTaiwanese. Batambata pa siya at crush ng bayan. Kinikilig kaming lahat na kababaihan kapag nakikita namin siya.

Isa po ako sa lihim na nagtatangi sa kanya. Napakabata niya (23-anyos) at para siyang hindi isang boss kung makihalubilo sa mga staff niya. Ako po ay 26- anyos na at dalaga pa. Nangangarap din po akong mahango sa hirap kaya ang secret wish ko ay ligawan ako ng boss ko. Ang balita ko’y binata pa siya.

Ano po ang dapat kong gawin para mapansin niya?

Lerma

Dear Lerma,

Libre ang mangarap. Pero kung ang pangarap ay matutupad o hindi ay mahirap sabihin. Kung talagang binata ang boss mo at ligawan ka niya’t pakasalan, congratulations. Pero kung ikaw ang gagawa ng unang hakbang para ligawan ka niya ay hindi yata maganda para sa isang dalagang Pilipina.

Isa pa, baka ang layunin mo lang ay yumaman kaya gusto mong makaisang-dibdib ang amo mo. Maling-mali iyan! Maging mabuting manggagawa ka na lang at baka mapansin ka niya at sino ang nakakaalam, baka umibig siya sa iyo. 

Dr. Love


Show comments