Dear Dr. Love,
Warm greetings to you and to all the members of the PSN staff.
Ako po si Eddie Agaton, 37 years-old at taga-Batangas.
Ako po ngayon ay naririto sa pambansang bilangguan para pagsilbihan ang parusang iginawad sa akin ng korte sa salang pagpatay.
Sa pagkakakulong ko, ang akala ko, makakayanan ng dibdib ko ang mabilanggo sa isang pagkakasalang maluwag ko namang inamin sa mga may kapangyarihan dahil sa buong akala ko, ang babaeng ipinagtanggol ko sa kapahamakan ay magsisilbi kong taga-alo at uunawa sa panahon ng aking kahinaan.
Subali’t hindi pala. Hindi pa ako nagtatagal dito sa bilangguan, dumating siya para dumalaw para sabihing mayroon na siyang kinakasama.
Dito ako lumuha. Ang akala ko, matatag siya sa tukso. Hindi pala.
Kung tutuusin, nabilanggo ako dahil ipinagtanggol ko siya sa isang nanggagahasang pinsan sa loob mismo ng aming bahay.
Bilang asawa, tungkulin ko siyang ipagtanggol. Sa kabiglaanan sa dinatnang eksena, nakuha ko ang kutsilyo sa aming kusina at inundayan ng saksak ang rapist niyang pinsan.
Ang usapan namin, hihintayin niya ang aking paglaya. Magiging matatag kami kapwa para muling ibangon ang aming pamilya alang-alang sa aming anak.
Hindi ko noon alam ang aking gagawin matapos ibagsak ng aking asawa ang masama niyang balita.
Bawat patak ng luha ko’y siyang kirot ng puso ko.
Bakit kaya ako dinaratnan ng mabibigat na pagsubok tulad nito?
Sa ngayon po, nagpapatuloy ako ng pag-aaral dito sa loob na hindi ko nagawa noong nasa malaya pa akong lipunan dahil sa kakapusan ng pera ng aking mga magulang.
Kahit may edad na, nagpasya akong mag-aral uli para mabuo ang aking mga naunsiyaming pangarap.
Sa palagay ninyo, may pagkakataon pa kaya akong magmahal at mahaling muli ng aking pamilya sa nangyaring ito sa aking buhay?
Ang anak ko, puwede ko pa kaya siyang makitang muli ngayong mayroon nang kinakasamang iba ang asawa ko?
Payuhan po ninyo ako. Nais ko ring magkaroon ng mga kaibigan sa panulat at sana, hindi ako mabigo sa pabor na hinihiling ko.
Gumagalang at nagpapasalamat,
Eddie Agaton
Student Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Eddie,
Hindi pa huli ang lahat para sa hangad mong pagbabago.
Ang pagluha mo ay natural lamang dahil sa sakit na dulot ng pagkaunsiyami ng katuparan ng pangako ng iyong asawa.
Huwag mong ipanghina ng kalooban ang pagtalusira ng iyong asawa.
Ipinakita lang niya ang kanyang tunay na kara. Hindi ka niya mahal. Ang mahal lang niya ay ang kanyang sarili.
Takot siyang mahirapan at lalong takot na walang kasama.
Ituloy mo ang pag-aaral at sana, makatagpo ka ng mga kaibigan sa panulat na siyang magsisilbi mong panibagong inspirasyon sa pagbabago.
Dr. Love