Minolestya ng amo

Dear Dr. Love,

Kumusta, Dr. Love?Tawagin mo na lamang akong Irma, 20-anyos at naglilingkod bilang domestic helper sa Mandaluyong.

Mabait ang amo ko at dalawang taon na ako sa serbisyo. Isa na siyang biyudo at ang feeling ko sa kanya ay parang tatay dahil masyado siyang mabait sa akin.

Pero hindi ko sukat akalain na isang gabi, inakbayan ako ng amo kong lalaki, amo’y alak siya at hinalikan ako sa labi. Itinulak ko siya pero hindi na ako nagsalita.

Kinabukasan ay palihim akong kinausap ng amo ko at nag-sorry. Lasing lang daw siya.

Pero nagsimula na akong matakot sa kanya. Nangangamba ako na baka isang araw ay pagsamantalahan niya ako. Siya lang at dalawang anak na babae ang kasama ko sa bahay. Madalas ay nasa Amerika pa ang dalawa niyang anak.

Iniisip ko na umalis na sa bahay na iyon dahil baka may mangyaring masama sa akin. Pagpayuhan mo po ako.

Irma

Dear Irma,

Masama pala siyang malasing. Sabagay, minsan lang nangyari iyon pero mabuti na ang nagsisiguro dahil malamang maulit iyan at baka mas masahol pa ang mangyari. Kahit minsan lang niya ginawa, maituturing pa ring pangmomolestya iyan.

Tama ka. Huwag ka nang magdalawang-isip at umalis ka na sa bahay na iyan.

Marami ka namang ibang mapapasukan kaya huwag kang matakot umalis sa kasalukuyan mong amo na mukhang hindi mapagkakatiwalaan.

Dr. Love

Show comments