Dear Dr. Love,
Isa po akong masugid na mambabasa ng inyong column Sana po, lumawig pa ang column na ito para marami pang tulad ko na tila nawawalan ng pag-asa sa buhay ang muling makabangon sa kinalugmukan at makabalik sa lipunan nang hindi hahamakin at patalikod na pag-uusapan.
Taong 2000 po ako napasok sa piitan dahil sa salang robbery. Sa taong ito, 2009, nakatakda nang matapos ang iginawad na hatol sa akin at kung papalarin, lalaya na ako. Pero parang hindi ako masaya. Bagaman sabik na sabik na akong makitang muli ang aking asawa at anak, parang nagdadalawang-isip ako kung mayroon pa akong mababalikan.
Ang dahilan po, mula nang ako ay mapasok sa piitan, hindi ko na nakita ang mukha ng aking asawa at anak. Matagal kong pinag-isipan kung sila ay nakahanda pang tanggapin ako dahil sa pangyayari. Pumailalim na ako ng rehabilitasyon at pinagsisihan ko na ang aking ginawa.
Para malunasan ang aking kalungkutan sa bilangguan, naisipan kong magpatuloy dito ng pag-aaral para mayroon akong magamit na sandalan ng pagpapanibagong-buhay sa aking paglaya.
Sa totoo po lamang, hindi ko nga alam kung paano ako magsisimulang muli dahil sa nangyari sa buhay ko.
Ayaw ko nang gamiting dahilan ang kahirapan para mabigyang matwid ang ginawa kong kasalanan. Pero iyon po ang buong katotohanan.
Ano po ba ang gagawin ko? Mayroon po kaya akong mababalikang pamilya? Payuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Joel Manalac
1-D College Dorm, Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776
Dear Joel,
Ang nararamdaman mo ngayon sa nalalapit na paglaya ay karaniwang nadarama ng isang ex-convict. Siguro naman, ang ganitong sitwasyon ay natatalakay na ninyo diyan sa loob sa counseling ninyo sa mga awtoridad o lider ng simbahan na magsisilbi ninyong gabay sa isinasagawang rehabilitasyon.
Kayo ay nabilanggo para mabigyang pagkakataong magpakabuti at hindi tuluyang malugmok sa masamang gawain. Iyan ang iyong ilagay sa isip mo. Kahit nagkasala ay may pagkakataon pang magpakabuti kung inyo lamang nanaisin.
Ngayong nalalapit na ang paglaya mo, bakit hindi mo subukang lumiham sa iyong asawa at mga anak? Alamin mo sa kanila kung may pagkakataon pang mabuong muli ang inyong pamilya. Siguro naman, hindi ka nila hahayaang lumaboy o manirahan sa ibang tao gayong mayroon ka namang asawa at anak.
Mayroon ka pa bang mga magulang o kaya’y kapatid? Makabubuting makipagtalastasan ka rin sa kanila para alamin kung ano ang nangyari sa iyong asawa at anak.
Sana, tuluy-tuloy na ang pagpapakabuti mo sa sandaling lumaya ka na para hindi ka na bumalik pa sa piitang kinasadlakan.
Dr. Love