Ayaw pang magpakasal

Dear Dr. Love,

Warm greetings sa iyo at sa lahat ng mga mahilig magbasa ng iyong kolum.

Tawagin mo na lang akong Techie, 31-anyos. May boyfriend ako since high school. Wala na akong mga magulang at ang kasama ko ay ang aking tito at tita. Nang mamatay sa aksidente ang ama at ina ko, kinandili na ako ng aking tito at tita. Sila ang kinilala kong mga magulang simula nang ako’y 20-anyos.

Tinatanong ako ng aking   itinuturing na mga magulang kung bakit hindi pa kami nagpapakasal. Ang sagot ko’y wala pa kaming pera. Pareho lang kasi kaming high school graduate ng boyfriend ko at walang magandang trabaho.

Pero sabi ng tito ko, handa niyang sagutin ang gastos kung magpapakasal kami.

Kaya lang, nahihiya ako. Sobra ang bait ng aking tito at tita at ayaw ko silang abusuhin.

Nagalit nga sa akin ang tito ko. Napaiyak pa nga ako. Sabi niya, matanda na ako at hindi maganda na lagi na lang akong nakikipag-date nang palihim sa boyfriend ko. Kung hindi raw ako papayag sa gusto niya, huwag ko na raw silang ituring na magulang. Pero talagang hiyang-hiya ako. Lahat na lang ng tulong ay ibinibigay nila sa akin. Ayaw kong maging pabigat pati ang pagpapamilya ko.

Ano ang dapat kong gawin?

Techie

 

Dear Techie,

Oo nga naman. Matanda ka na dahil lampas ka na sa gulang na 30. Ano ba ang totoong dahilan at ayaw ninyong magpakasal? Hindi pangkaraniwan na sapul nang high school kayo ay magkasintahan na pero hindi pa kayo nagpapakasal.

Kung totoong nakikipag-date ka nang palihim sa boyfriend mo, hindi nga naman magandang tingnan iyan. Pambihira ka naman. Yung ibang babae’y tinututukan pa ng baril ang lalaki para mapakasalan, ikaw kakaiba.

Kung nagmamagandang-loob ang mga tito at tita mo na ipakasal kayo, tanggapin mo ang alok na iyan dahil iyan ay sa inyong sariling kabutihang mag-asawa. Siguro ayaw ka lang nilang lumabas na mumurahing babae na nakikipagtagpo sa labas sa kanyang kasintahan para sa panandaliang kaligayahan. Mali iyan.

Ang pakikipagrelasyon ay may lakip na intensyong bumuo ng pamilya at hindi lamang sa personal na kaligayahan.

Dr. Love

Show comments