Ang trahedya ni Jhon

Dear Dr. Love,

Nawa’y sapitin kayo ng aking sulat na nasa mabuting kalagayan sampu ng inyong mga mahal sa buhay. Sumulat ako sa inyo dahilan gusto kong i-share ang aking karanasan at humingi ng advice sa inyo. Tawagin n’yo na lang akong JF ng Siniloan, Quezon.

Noong 2000 ay nagkaroon ako ng ka-live-in. Biniyayaan po kami ng isang anak na lalaki. Napakabuti niya sa aming mag-ama. Pero isang trahedya ang dumating. Nakadisgrasya ako ng tao sa aming lugar kaya ako ay nakulong dito sa pambansang piitan.

Sa hirap ng buhay marahil kung kaya nagawa niya akong pagtaksilan kahit alam niya na mahal na mahal ko siya.

Siguro nga po ay totoo ang kasabihan na tumatalon sa bintana ang pag-ibig kapag kumakatok sa pintuan ang kahirapan.

Dr. Love, napakasakit sa kalooban ko ang pangyayaring iyon. Dinalaw niya ako sa piitan at ipinagtapat ang lahat pero hindi ko siya magawang saktan. Hanggan ngayon ay tandang-tanda ko pa ang sinabi niyang mga salita. Sinabi niyang tapusin na namin ang aming relasyon. Nangako naman siyang mamahalin niya at aalagaan ang aming anak.

Sa ngayon ay itinutuon ko ang aking oras para makapagtapos ng kursong Business Administration dito sa loob ng piitan. Mayroong extension school dito ang University Perpetual Help Data System.

Sana ay mailathala mo ng aking pangalan at address dahil ibig kong magkaroon ng kaibigan sa panulat.

Jhon Edward Reyes

YRC Bldg. #4,

4-D College Dorm,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City

 

Dear Jhon,

Sa kabila ng lahat, hanga pa rin ako sa naging ka-live-in mo dahil nagawa niyang ipagtapat sa iyo ang totoo at hindi ka sinaksak nang talikuran.

Sana’y nakapulot ka ng aral sa iyong karanasan at tama ka, kailangan mong ipagpatuloy ang buhay. Wasto ang ginagawa mong pagtatapos ng kurso sa loob ng kulungan.

Inaasahan kong sa paglalathala ko ng sulat mo’y may matatagpuan kang tapat na kaibigan na maaari mong maging katuwang sa buhay pagdating ng tamang panahon.

Dr. Love

Show comments