Dear Dr. Love,
Ako po si Verna, 26-anyos at isang single mother. Outcast din ako sa aking pamilya dahil magmula nang mabuntis ako sa pagkadalaga ay itinaboy ako ng aking mga magulang sa aming tahanan.
Magmula noon ay nag-aral akong mabuhay mag-isa. Isa lamang po akong secretary sa isang kompanya at ang suweldo ko’y sapat lang sa bayad sa bahay, kuryente, ilaw at sa pangangailangan ng aking dalawang taong- gulang na anak.
Kahit buntis ako noon, nakipag-break ako sa aking boyfriend dahil nahumaling siya sa ibang babae.
Malungkot na lumayo sa akin ang aking boyfriend dahil kahit ano ang pakiusap niyang magbalikan kami ay hindi ko siya pinansin.
Ngayon ako nagsisisi. Sa tingin ko nama’y sincere sa kanyang pagsisisi ang boyfriend ko dahil ang balita ko, single pa rin siya hanggang ngayon.
Tama ba kung ako ang magpakumbabang lumapit sa kanya at humingi ng tawad?
Verna
Dear Verna,
Sa ngayon, ikaw ang may mahigpit na pangangailangan sa iyong pinalayas na boyfriend. Afterall, ang inaaruga mong bata ay anak niya, tama lamang na kilalanin niya ito at magpakasal kung kinakailangan.
Nadala ka lang ng iyong matinding pride. Sino ba ang hindi nagkakamali at nagkakasala? Lahat tayo ay may kani-kaniyang pagkukulang.
Kung marunong tayong magmahal, dapat marunong din tayong magpatawad.
Dr. Love