Malamig si misis, mainit si mister

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Nilo, 45-anyos at may asawa.

Dumating ang aking mabigat na problema sa ika-10 taon ng aming pagsasama ng aking asawang si Gilda. Ang misis ko ay 38-anyos at mayroon na kaming tatlong anak. Ang problema ko ay tungkol sa panlalamig ng aking misis. Palagi siyang wala sa mood at nasasaktan tuwing kami’y magtatalik.

May init pa ang katawan ko Dr. Love at naghahanap ng sex kaya naiinis na ako sa inuugali ng asawa ko. Minsan na kaming nag-away at nilayasan ko siya pero nagbalik din ako kinabukasan at humingi ng tawad sa kanya.

Hindi mo naitatanong, faithful ako sa misis ko. Mahal na mahal ko siya at sa panahon ng aming pagsasama ay hindi ako naging taksil sa kanya.      

Naiisip ko ngayon na mambabae para lamang matugunan ang pita ng aking katawan. Palagay ko naman ay normal sa lalaki na magkaroon ng pagnanasa.

Ano nga ba ang dapat kong gawin, Dr. Love?

Nilo

 

Dear Nilo,

Manatili kang tapat sa iyong asawa at malulugod sa iyo ang Panginoong Diyos. Malamang, may karamdaman ang iyong misis na nakakaapekto sa inyong pagsasama kaya makabubuting ipasuri mo siya sa doktor.

Bakit siya nasasaktan tuwing kayo’y magtatalik? Iyan ay tanong na doktor lang ang makasasagot. Huwag kang magtaksil sa misis mo dahil lang sa pita ng laman. Baka magkasakit ka pa at mahawahan mo ang asawa mo.

Kaunting pasensiya lang. At marahil naman ay mauunawaan mo ang iyong kabiyak kung malalaman mo ang kanyang nararamdaman. Ang relasyon ng mag-asawa naman ay hindi puro sex. Maipadarama ninyo ang inyong pag-ibig sa isa’t isa sa ibang paraan.

Dr. Love

Show comments