Indecent Proposal

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lamang akong Ella at may limang taong-gulang akong anak na lalaki. Napatay ng holdaper ang mister ko kaya mag-isa kong itinataguyod ang aking anak. Nagtatrabaho ako sa isang pabrika ng biskuwit. Kapos ang kinikita ko para sa aking anak. Kapag nagkakasakit siya, napipilitan akong dumulog kung kani-kanino.

May isang mayamang lalaking kapitbahay ko na pumoporma sa akin pero hindi ko pinapansin. May asawa siya at kilalang sangkot sa illegal na gawain katulad ng droga. Minsan ay nakita niya akong naglalakad at isinakay ako sa kanyang kotse. Pumayag naman ako. Nabigla ako sa sinabi niya. 

Ibibigay daw niya sa akin ang lahat ng gusto ko kung papayag akong maging kerida niya. Naging bagabag sa puso ko ang mga sinabi niya. Hindi mo naitatanong, maganda ako, mestisahin at maraming nanliligaw sa akin pero wala akong magustuhan dahil pareho kong mahirap din.

Ibabahay daw niya ako at lahat ng karangyaan ay ipatitikim niya sa akin pati na sa aking anak. Natutukso akong pumatol,  Dr. Love. Tama ba ito?

 

Ella

Dear Ella,

Para kang kumuha ng batong ipinukpok mo sa iyong ulo kapag pumatol ka riyan. Isa siyang underworld character at ang kayamanan niya ay galing sa masama. At ipagpalagay na nating disente ang trabaho niya, may pamilyang tao iyan.

Tiyak ko na kapag nagsawa iyan sa iyo ay bibitawan ka rin at balik ka sa kahirapan. Mas mabuti pa kung makakapag-asawa kang muli sa lalaking kahit medyo mahirap ay masigasig magtrabaho at walang sabit.

Pakaisipin mo ang magiging desisyon mo. Huwag kang pasilaw sa kayamanan ng taong iyan at tiyak kong magsisisi ka lang pagdating ng araw.

Dr. Love

Show comments