Estriktong ama

Dear Dr. Love,

Greetings to you at sa marami mong ta­ga­­subaybay. Sana’y makabilang ang sulat ko sa mga maitatampok mo sa iyong ma­laganap na kolum na Dr. Love.

Tawagin mo na lang akong Lagring, 26-anyos at nagtapos ng Management. Ang problema ko ay ang aking mga magulang na kung ituring ako’y parang batang musmos.

Magmula nang makatapos ako ng pag-aaral, hindi nila ako binigyan ng kalayaan. Walang puwedeng makapanhik ng aming bahay para manligaw.

Sa pinagtatrabahuhan kong opisina, lagi  akong sinusundo ng aking kuya na may asawa na. Mayroon akong boyfriend pero ito’y lihim na lihim. Ka-opisina ko siya.

Kung mag-date kami ay sa canteen lamang ng aming office dahil takot ako na baka may makakita at isumbong ako sa aking ama. Matapang ang aking ama at es­trikto na wala sa lugar. Wala namang ma­gawa ang aking ina na sunud-sunuran lang sa kanya.

Naiinis na nga ang boyfriend ko at niya­yaya akong magtanan na lang kami. Tulungan mo nga ako, Dr. Love.

Lagring

 

Dear Lagring,

Alam kaya ng tatay mo na matanda ka na o masyado ka lang niyang bini-beybi at kung tratuhin ka’y masahol pa sa isang teenager?

Ang tungkulin ng mga magulang ay mag­bigay ng payo at gabay sa ikabubuti ng anak. Pero wala silang karapatang paikutin o kon­trolin ang buhay ng kanilang mga anak. Maling-mali ang iniaasal ng iyong ama kaya puwede mong labagin dahil sarili mong kina­bukasan ang nakataya. Sa ginagawa niyang paghihigpit sa iyo, malamang tumanda kang dalaga kung susunod ka lang sa bawat gusto niya.

Bilang paggalang sa kanya, subukan mo siyang kausapin nang mahinahon. Sabihin mong gusto mo nang lumagay sa tahimik at magkaroon ng sariling pamilya. Kung  tatanggi pa rin siya, magdesisyon ka na sa sarili mo.

Kung niyayaya kang magtanan ng boyfriend mo at mahal mo siya, sige. Nasa edad ka na at dapat mo nang harapin ang sarili mong buhay at ikaliligaya. Pero tiyakin mo na pakakasalan ka ng boyfriend mo at baka dumoble ang iyong problema.

Buweno, good luck na lang sa iyo.

Dr. Love

Show comments