May mahal ng iba ang mahal niya

Dear Dr. Love,

Bumabati ako sa iyo at sa libu-libo mong  mga tagasubaybay.Tawagin mo na lang akong Rico, 40-anyos.

Sa di-inaasahang pangyayari, nahiwa­lay ako sa misis ko may dalawang taon na ang nakararaan. Nagalit ako dahil mas ina­asi­kaso niya ang mga kaanak niyang  inaaruga niya sa aming tahanan. Hindi naman sa nag­mamaramot ako pero sobra ang pag­bibigay niya sa mga kaanak na humihingi ng tulong. Tatlong pamang­kin niya ang pi­nag-aaral niya sa perang kinikita ko. Ma­dalas, napag­ka­kaitan ang aming kaisa-isang anak dahil ang para sa kanya’y napupunta pa sa mga kamag-anak ng aking misis.

Dahil diyan, ipinasya kong lumayo. Nag­punta ako sa Cebu at doon nagtra­baho. Pini­lit kong limutin siya at nagkaroon ako ng ka-live-in doon. Pero dumating ang panahong  hinahanap-hanap ko siya.

Iniwanan ko ang kalive-in ko at nag­balik sa Maynila. Pero laking panlu­lumo ko nang malaman kong may kina­kasama nang iba ang misis ko.

Iniisip ko ngayon ay ang maghabla. Tama ba ang gagawin ko?

Rico

Dear Rico,

Una sa lahat, hindi ba ikaw ang unang na­ngaliwa? Kung magdedemanda ka sa misis mo, may karapatan din siyang ide­man­da ka.

Kaya kung ako sa iyo, I’ll just charge it to experience. Pero kung gusto mong mag­demanda, puwede. That’s adultery. Pero ang ginawa mo naman ay concu­binage na may katapat ding parusa sa batas.

Dr. Love

Show comments