Sumbat ng budhi

Dear Dr. Love,

Bago ko isinulat ang liham na ito, nanalangin muna ako na sana’y mabigyan ito ng puwang sa malaganap mong kolum. Matagal mo na akong tagahanga sapul pa nang unang lumabas ang Dr. Love sa NGAYON.

Tawagin mo na lang akong Jasmin, 40-anyos at hiwalay sa asawa. Naakit sa ibang babae ang mister ko at iniwanan ako sa piling ng dalawa naming anak.

Limang taon akong lumuha sa pangyayaring ito. Bakit niya sinuklian ng kataksilan ang pag-ibig ko sa kanya?  Tapat ako bilang asawa at maasikaso bilang ina ng aming mga anak.

Isinumpa ko siya sa kanyang ginawa. Lumipas pa ang ilang taon at nag-text siya sa akin. Kung puwede raw ay magkita kami dahil nagsisisi na raw siya sa kanyan­g ginawa. Gusto niyang maki­pagbalikan dahil iniwanan na raw niya ang kanyang babae na nanga­liwa sa kanya.

Nagpakatigas-tigas ako. Hindi ko siya sinagot pero walang tigil ang kati-text niya. Hanggang sa tahasang sinabi ko sa kanya na ni katiting ay wala na akong pag-ibig sa kanya. Wala siyang tigil sa kati-text pero hindi ko na siya sinagot.

Nagulat na lang ako nang isang araw ay marinig ko sa radyo na nagpakamatay ang asawa ko sa pa­ma­magitan ng pagbibigti.

Noon ko na-realize ang aking kasalanan. Bakit hindi ko siya pinatawad? Nagsisisi ako at hanggang ngayo’y hindi ako pinatatahimik ng aking budhi. Ano ang gagawin ko?

Jasmin

 

Dear Jasmin,

Huli na ang lahat at hindi na maibabalik ang lumi­pas. Ang kailangan mong gawin ay magsisi sa iyong pagkakamali. Walang kasalanang napa­kalaki na hindi maaaring patawarin ng Diyos.

Bukod sa pagpapatawad ng Diyos, matuto kang magpatawad sa sarili. Hangga’t hindi mo pina­tatawad ang sarili mo’y babagabagin ka lagi ng iyong kon­sensya.

Ang nakaraan ay nakaraan na. Kung nagkasala ka man sa asawa mo ay may dahilan. Masakit para sa sino man na pagtaksilan ng asawa kaya nadala ka lang ng iyong matinding sama ng loob.

Manalangin ka na bigyan ka ng kapanatagan ng Panginoong Diyos.

Dr. Love

Show comments