Dear Dr. Love,
Kumusta po kayo? Umaasa akong nasa mabuti kayong kalagayan at salamat sa pagtatampok ninyo sa aking sulat.
Tawagin n’yo na lang akong Criselda, 25-anyos at dalaga pa. Mahirap lang kami at ang nanay ko ay may malubhang karamdaman. Patay na ang aking ama at hindi ko maasahan ang iba kong kapatid na pawang may-asawa na lahat.
Isa lang akong sekretarya sa isang kompanya at ang suweldo ko’y halos hindi sapat sa aming pangangailangang mag-ina. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako makapag-asawa. Ang boyfriend ko ay isa lamang empleyadong katulad ko at kung magpapakasal kami, siguradong bibigyan ko lang siya ng kalbaryo.
Gusto kong ipagamot ang nanay ko. Early stage pa lang naman ng breast cancer ang sakit niya at ayon sa doctor, malaki ang pag-asang gumaling kung maipa-oopera ko siya. Pinaghahanda ako ng P500,000 ng doctor para mairaos ang operasyon.
Sinubukan kong umutang sa may-ari ng kompanyang aking pinaglilingkuran. Sabi ng may-ari, masyadong malaki ang halaga at mahihirapan akong bayaran ito sa aking suweldo. Napansin kong makahulugan ang titig sa akin ng aking amo. Tapos, nagulat ako sa sinabi niya. Type daw niya ako at kung gusto ko, ibabahay niya ako at ibibigay ang lahat ng gusto ko pati na ang pagpapagamot sa aking ina.
Matanda na siya at may asawa at hindi naman ako mumurahing babae na papatol sa kanyang alok. Pero tuwing naiisip kong nasa bingit ng kamatayan ang nanay ko, parang gusto ko nang kumagat sa alok niya. Ano ang dapat kong gawin?
Criselda
Dear Criselda,
Hindi mo dapat ibenta ang iyong katawan sa “dirty old man” mong amo para lang maipagamot ang nanay mo.
Maraming charitable institutions na makatutulong sa iyo para sagutin ang medical needs ng iyong magulang. Kahit sa Chinese General Hospital ay mayroong isang Chu Chi Foundation na puwede mong dulugan para malutas ang iyong problema. Puwede ka ring lumapit sa Philippine Charity Sweepstakes Office para humingi ng financial support. Marami pang ibang NGOs o ahensiya ng pamahalaan na handang tumulong sa mga nangangailangang mamamayan kaya huwag kang kakapit sa patalim, baka ka matetano.
Nakakakulo ng dugo ang amo mong mapagsamantala. Huwag kang papatol diyan dahil kahit mahirap ka, mayroon kang dangal na hindi puwedeng bilhin ng pera.
Dr. Love