Dear Dr. Love,
Isang pinagpalang araw sa iyo at harinawang nasa mabuti kang kalagayan sa pagtanggap mo ng sulat kong ito.
Ikubli mo na lang ako sa pangalang Lorenzo, nakatakdang sumapit sa edad na 60 sa Abril ng taong ito.
Ako’y isang biyudo at may kinakasamang 23-anyos na dalaga. Hindi mo naitatanong, mayaman ako at sunod sa luho ang aking kinakasama na akin pang pinagtatapos ng kolehiyo.
Maalaga naman at mapagmahal siya. Pero hindi ko maseguro kung totoo ang pagmamahal niya sa akin o dahil lamang nasusunod ko ang mga pangangailangan niya pati na ang kanyang pag-aaral.
Hindi ako pinakikialaman ng aking mga anak na pawang may mga asawa na. Sabi nila, suportado nila ako kung saan ako maligaya.
Sa tuwing kami’y nag-uulayaw, parang hindi ko nadarama ang init ng pag-ibig gaya ng nadama ko sa aking yumaong asawa nang nabubuhay pa. Tuwing maglalapat ang aming mga labi, parang pinipilit lang niya’ng “masiyahan” upang maligayahan ako.
Niyayaya ko siyang magpakasal pero ayaw niya. Baka raw isipin ng aking mga anak na habol niya lang ang mamanahin sa akin.
Mahal kaya niya ako?
Lorenzo
Dear Lorenzo,
Mahirap sagutin ang tanong mo. Ang pag-ibig ay nararamdaman ng tao, bagay na imposible kong husgahan. Ikaw lang ang makapagsasabi niyan.
Pero kung maalaga naman siya sa iyo, wala ka nang dapat hanapin pa. Unang-una, malayo ang agwat ninyo sa edad at posible ngang pumatol lamang siya sa iyo dahil ikaw ang makapagbibigay ng katuparan sa kanyang pangarap. At kung maganda naman ang ipinakikitungo mo sa kanya, hindi malayong kahit para ka na niyang lolo ay matutuhan ka rin niyang mahalin. Love begets love.
Ngunit ang pagtanggi niyang magpakasal upang ipakitang hindi lamang kayamanan ang habol niya sa iyo ay isang indikasyon na mahal ka niya talaga. Huwag mo nang bagabagin ang iyong sarili sa pagdududa sa katapatan ng iyong kinakasama. Makuntento ka na lang sa maganda niyang ipinakikita sa iyo.
Dr. Love