Dear Dr. Love,
Itago mo na lang ako sa alias na Pisces Girl. College pa lang ako ay crush ko na ang lalaking unang nagpatibok ng puso ko. Di ko alam na gusto rin pala niya ako. Nagkaroon kami ng mutual understanding kahit walang ligawan.
Matagal akong naghintay na gumawa siya ng formal proposal sa akin pero bigo ako. Hanggang sa may manligaw sa akin at sinagot ko. Dahil malapit kami sa isa’t isa, kasama ko pa rin siya kapag lumalabas kami ng boyfriend ko.
Sabi niya, parang dinudurog ang kanyang puso kapag lumalabas kaming tatlo. Akala ko’y okay lang sa kanya dahil nung una’y wala naman siyang reaksyon. Nakatapos kami at nagkaroon ng trabaho. Hindi kami nagbago. Siya, ako at ang boyfriend ko.
Nagtrabaho ako sa abroad at tuloy ang aming komunikasyon. Sa telepono, ipinagtapat niya sa akin ang lahat-lahat. Na mahal niya ako. Pero yung boyfriend ko, ilang buwan pa lang akong nawawala ay nag-asawa na.
Sinagot ko ang aking ka-mu kahit sa telepono dahil kahit noon ay mahal ko na siya. Pero matapos ang isang taon, dumalang na siyang mag-text o mag-email sa akin. Ako lagi ang tumatawag sa kanya sa phone. Kapag tinatanong ko siya kung bakit bihira siyang sumulat, busy lang daw siya sa negosyo. Ang payo sa akin ng mga kaibigan ko, limutin ko na siya. Umuwi ako ng Pilipinas nang hindi niya alam. Nag-entertain ako ng mga suitors. Sumama akong makipag-date sa ibang lalaki pero wala akong nadarama dahil mahal ko pa rin siya.
Am I insane, Dr. Love? Pagpayuhan mo ako.
Pisces Girl
Dear Pisces Girl,
You’re not insane but only madly in love. Pero dapat kang maging realistic. Life must go on for you imbes na umasa ka sa bagay na napakalabo. Hindi ka bumabata at may kinabukasang naghihintay sa iyo.
Kung palagi mo siyang iniisip, mahihirapan kang lumimot. Pero be practical. Kung mahal ka niya, dapat noon pa’y gumawa na siya ng paraan na manatili ang inyong relasyon. Pero hindi nangyari iyon kaya it is not bad to presume na may iba na siyang mahal kaya siya nagkaganoon.
Naniniwala ako na may matatagpuan kang lalaking higit na magmamahal sa iyo at mamahalin mo rin. Huwag siya ang gawin mong sentro ng iyong buhay at ngayon pa lang ay simulan mo na ang muling pagharap sa iyong kinabukasan.
Dr. Love