Dear Dr. Love,
Bayaan mo munang batiin kita kasama ang mga mahuhusay mong staff ng isang mabiyayang araw. Tawagin mo na lamang akong Romina, 25-anyos at may kasintahan.
Ang kasintahan ko ay 34-anyos at isang biyudo na may tatlong anak. Tawagin mo na lang siyang Ramir. Batang nag-asawa ang boyfriend ko at bata rin nang mabiyudo. Namatay ang kanyang misis sa pagsisilang ng kanilang bunso.
Bago ko sagutin si Ramir ay ipinagtapat na niya sa akin ang lahat. Pero sa kabila nito, minahal ko pa rin siya. Tutol ang aking mga magulang. May mga kaibigan din akong tumututol sa aming relasyon.
Sabi nila, baka magkaroon ng kompetisyon ang aming magiging anak sa mga anak niya. Pero siniguro naman sa akin ng boyfriend ko na magiging patas ang pagtingin niya sa lahat ng kanyang mga anak at wala siyang itatangi. At sa palagay ko, kaya ko namang mahalin ang kanyang mga anak sa unang asawa niya gaya ng pagmamahal ko sa aming magiging anak.
Sabi ng mga magulang ko, kahit tutol sila’y wala silang magagawa sa ano mang kagustuhan ko. Pero medyo nagi-guilty ako sa sinabi nila. Dapat ko ba silang sundin?
Romina
Dear Romina,
Ang tungkulin lang ng magulang ay gumabay at magpayo sa anak. Pero sa mga personal na desisyon, lalo pa’t ang anak ay nasa wastong gulang na, ang anak ang dapat masunod.
Sa kaso mo, future mo ang nakataya. Kung tunay mong mahal si Ramir sa kabila ng kanyang pagiging biyudo at pagkakaroon ng mga anak, walang masama kung sa kanya ka magpapakasal. Tiyakin mo lang na mapapanindigan mo ang iyong sinabi na kaya mong mahalin ang mga anak niya sa unang asawa. Kung hindi, malamang ay maging dahilan ng inyong pagtatalo ang sarili ninyong mga anak.
Kung susunod ka naman sa iyong mga magulang pero magiging miserable ang iyong buhay sa pag-aasawa ng iba, malamang sila ang sisihin mo pagdating ng araw. Binigyan tayo ng Diyos ng sariling talino para magpasya kung ano ang tama at mali. Timbangin mo ang sitwasyon bago ka gumawa ng desisyon and then go for it.
Dr. Love