Patatawarin ko ba ang misis kong taksil?

Dear Dr. Love,

Sumaiyo nawa ang pagpapala ng ating Pangi­noong Diyos sa pagtanggap mo ng sulat kong ito.

Tawagin mo na lang akong Mando, 30-anyos at isang hamak na magsasaka. Mababa lang ang aking natapos. First year high school lang pero kung sa dunong ay hindi naman ako salat dahil mahilig akong magbasa ng pahayagan, magasin at mga aklat.

Ang kasaysayan ko ay tungkol sa aking  asawang si Merced. Beinte tres anyos ako at siya’y 19-ayos lang nang kami ay magpakasal. Mahal na mahal ko siya.

Pero dalawang taon na ang nakararaan ay nag­hi­­walay kami. Mas mabuti na kami’y maghiwalay kaysa mapatay ko siya.

Minsang umuwi ako ng bahay isang madaling araw ay inabutan ko si Merced at ang kanyang kalaguyo na nagniniig sa mismong papag naming mag-asawa.  Pinagdimlan ako ng isip at hinugot ko ang aking itak na nakasukbit sa aking beywang.

Pero sa kabila ng pagdidilim ng isip ko’y naka­pag-isip-isip ako at nangibabaw ang aking takot sa Diyos. Pinalayas ko na lang ang asawa ko. Ang nag-iisa naming anak na babae ay ipinaubaya ko sa aking nakatatandang kapatid.

Balita ko’y tuluyan na siyang nakisama sa kanyang kalaguyo. Pero kamakailan,  umuwi siya ng bahay. Umiiyak at nakikiusap na magbalikan kami. Magbabago na raw siya.

Mahal ko pa rin siya pero dapat ko ba siyang pata­warin at pagbigyan sa kanyang gusto?

Mando

 

Dear Mando,

Kung ang Diyos ay nagpapatawad, tayo pa kayang tao lang? Lumang kasabihan iyan pero tama ang diwa. Tayong lahat ay tao lamang at nagkakasala. Pero bago tayo mapatawad ng Diyos ay dapat tayong matutong magpatawad sa ating kapwa.

Walang masama kung patatawarin mo siya. Ikaw na rin ang may sabing mahal mo pa rin siya. Kung totoo ang sinabi mo, bakit hindi mo siya patawarin?

Dr. Love

Show comments