Dear Dr. Love,
Good day po sa inyo Dr. Love. Datnan ka sana ng sulat ko na walang sakit at maligaya.
Tawagin mo na lang akong Edgar, 21-anyos at isang hamak na tricycle driver. May kasintahan ako. Tawagin mo na lang siyang Elvie.
Mayaman ang pamilya ni Elvie. Heneral sa military ang kanyang tatay. Tutol ang kanyang mga magulang sa akin. Minsan, itinanan ko si Elvie at dinala sa aming probinsiya sa Mindoro. Pero nasundan ako ng mga tauhan ng kanyang ama.
Binugbog nila ako at sapilitang isinama si Elvie.
Mahal na mahal ko si Elvie at nagkakaugnay lang kami sa text. Pero nalaman ito ng mga magulang niya at kinuha ang kanyang cellphone.
Isang araw, habang nagmamaneho ako ng aking tricycle, may humarang na magarang kotse sa harap ko. Tatay ni Elvie. Bumaba sa kotse at tahasan akong binantaan na mamamatay ako kapag hindi ko tinigilan si Elvie.
Mahal na mahal ko si Elvie at ikamamatay ko kung mawawala siya sa akin. Ano ang gagawin ko?
Edgar
Dear Edgar,
Mahirap ipaglaban ang pag-ibig mo kay Elvie. Pader ang binabangga mo. Kaugnay ng banta sa iyo, puwede mong ipa-blotter ito sa pulis. Pero alalahanin mong heneral ang kalaban mo. Malamang kampihan siya ng pulisya at baligtarin ka.
Masuwerte ka at buhay ka pa ngayon kahit naitanan mo na ang anak ng heneral.
Nasasaiyo iyan. Kung ibig mong lumaban, lumaban ka. Diyan masusukat ang katapatan ng iyong pag-ibig. Pero handa mo bang harapin ang banta sa iyong buhay? Ikaw ang magpasya.
Dr. Love