Indecent proposal

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo,  Dr. Love? Umaasa po akong nasa mabuti kayong kalagayan.

Tawagin na lamang ninyo akong Mitzi, 15-anyos at isang high school dropout.  Mahilig naman akong mag-aral pero mahirap lang kami kaya hindi na ako nakapagpatuloy.

Gustung gusto kong makapagtapos ng kurso sa kolehiyo pero talagang hindi kaya ng aking ina na matagal nang balo. Squatter lang kami at ang trabaho ng nanay ko ay nagtitinda ng kakanin. May dalawa pa akong nakababatang kapatid.

Maraming nagsasabing maganda ako. Marami nga po ang nanliligaw sa akin pero ayokong makipagrelasyon. Lalo kong hindi maaabot ang aking pangarap kung aatupagin ko ang pag-ibig.

Mayroon akong nakilalang 50-anyos na lalaki. Mula nang madaan ang kanyang kotse sa harap ng bahay namin ay lagi na niya akong pinupun­tahan at kinakausap. Asar nga sa kanya ang nanay ko.

Sabi niya sa akin, papag-aralin niya ako kung sasama ako sa kanya para maging kerida.

Tumanggi ako. Pero nag-iisip ako ngayon. Baka siya na ang katuparan ng pangarap ko.

Tama po ba kung tatanggapin ko ang kanyang alok?

Mitzi

Dear Mitzi,

Hindi tama. Ang pinakamahalagang kayamanan ng tao ay ang dangal. Aanhin mo ang tagumpay kung wala kang dangal?

Maraming disenteng paraan para marating mo ang iyong pangarap. Mag-working student ka. Kahit anong trabaho basta marangal ay pasukin mo. Bata ka pa naman. Marami ng kabataan ang nagsikap sa marangal na paraan at nakamtan ang ambisyon.

Dr. Love

Show comments