Isa pong magandang araw sa inyo at sana, sa pagsapit ng liham namin sa inyo, nasa mabuti kayong kalagayan sa buhay.
Kami po ay masusugid ninyong tagasubaybay kaya hinangad naming magpadala ng sulat sa inyo para matulungan ninyo kami sa aming problema.
Ako po si Eduardo Atuel at ang isa pang kasamahan ko na kalangkap ng liham na ito ay si Arnel Antido.
Alam namin na marami na kayong natulungan na tulad naming dalawa ay nawalan na ng pag-asa sa buhay dahil iniwan na kami ng mga mahal namin sa buhay at kaibigan dahil sa pagkakapiit namin sa bilangguan.
Simula po nang kami ay makulong, nawala na parang bula ang aming dating mga kabarkada at kaibigan. Baka sakali pong sa paglalathala ninyo ng aming pangalan ay magkaroon kami ng mga bagong kakilala at kaibigan na sa kabila ng aming kalagayan dito ay matututong maging matapat na kaibigan.
Sa pamamagitan din ng inyong pitak, nais ko pong mapatunayan na ang kaibigan ay hindi lang kasama sa ginhawa kundi maging sa hirap.
Ang pagkakapiit namin sa ngayon sa salang nagawa ang siyang naging dahilan ng pagkakakulong namin at paglayo ng dating mga kaibigan at kaututang-dila.
Sana po, matulungan ninyo kami para mabuhay ang aming pag-asa para sa hinaharap.
Alam po naming hindi ninyo kami bibiguin.
Gumagalang,
Arnel Antido at Eduardo Atuel
Student Dorm 111
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Arnel at Eduardo,
Salamat sa inyong liham at inaasahan ng pitak na ito na habang naririyan kayo sa loob, hindi kayo mawawalan ng pag-asa sa buhay.
Kahit kayo napiit, kung nagsisi na kayo at nagbago, hindi pa naman huli ang lahat para sa inyo.
Sikapin ninyong mapaunlad ang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral at maiwasan na ang mga gawang pagsisihan ninyo sa dakong huli.
May maganda pang bukas na naghihintay sa inyo sa hinaharap at sana, dagdagan ninyo ang pasensiya at sa pamamagitan ng kabutihang asal, mapapagaan din ang inyong sentensiya at maaaring kuwalipikado sa Presidential pardon.
Good luck at hintayin ninyo ang mga bagong kakilalang makapagbibigay sa inyo ng bagong inspirasyon sa buhay.
Dr. Love