Bumabati ako sa iyo at sa maraming sumusubaybay sa iyong kolum. Just call me Angie, 14 years- old. Mahilig akong magbasa ng iyong column sa PSN dahil marami kang natutulungang may problema sa love. Sana ma-feature ang aking sulat at mabigyan mo rin ako ng payo sa problema ko.
Oo, kahit napakabata ko pa’y meron na akong love problem. Hindi na tuloy ako makapag-concentrate sa pag-aaral ko dahil sa problema na ito.
Ewan ko kung true love itong nararamdaman ko para sa aking teacher sa Algebra. Kung titingnan mo, batang-bata pa ang itsura niya. Para siyang artista. Kaya minsan, lagi ko siyang iniisip. Hindi ako makatulog.
Nang magkita kami isang araw sa canteen, nagpaka-prangka ako sa kanya. Sinabi kong type ko siya. Bigla ba naman siyang nagtatawa. Sabi niya, kalimutan ko raw ang nadarama ko dahil puppy love lang. Sabi niya, nakatakda na ang kasal niya sa girlfriend niya.
Nasaktan ako sa sinabi niya. Ano ang dapat kong gawin para mahalin din niya ako?
Angie
Dear Angie,
Normal sa kagaya mong kabataan na magkaroon ng crush. Ngunit hindi totoong pag-ibig na nga iyan. Iyan ang tinatawag na crush o sa mas malalim na Ingles, infatuation. There is more to love that just physical attraction. Malalaman mo iyan habang nagma-mature ka. Darating ang araw na kapag naaalala mo iyan, matatawa ka na lang sa iyong sarili.
Kalimutan mo muna ang nararamdaman mo dahil lilipas din iyan. Concentrate on your studies dahil high school ka pa lang. Kapag nagpaka-serious ka sa pag-ibig, baka masira ang iyong pag-aaral.
Tandaan mo, importante ang edukasyon. Iyan ang foundation ng future ng sino mang tao. Hindi lang kasi pag-ibig ang dapat isipin kundi ang pagpapamilya at kung paano mo maitataguyod nang maayos ang pamilya. Hindi magagawa iyan kung walang firm economic foundation ang tao na makukuha lamang sa pag-aaral.
Dr. Love