Isinumpa ng ina

Dear Dr. Love,

Bumabati ako sa iyo, Dr. Love, at sa staff ng Pilipino Star Ngayon gayundin sa marami mong tagahanga. Sana’y matulungan mo ako sa mabigat kong problema. Tawagin mo na lang akong Mitzi, 16-anyos.

Matatawag mong mali ang aking ginawa pero hindi lang ako ang nagkaroon ng ganitong problema. Itinakwil ako at isinumpa ng aking sariling ina dahil sa kasalanang ito. May pagsisisi ako pero ano’ng magagawa ko? Ang ginawa ko’y dahil sa pag-ibig. Nagtanan kami ng aking boyfriend at nagsasama na kami ngayon.

Hindi kami kasal. Tawagin mo na lang siyang Edu na kasing edad ko. Pareho lang kaming high school ni Edu nang magtanan kami kamakailan.

Ngayo’y nakatira kami sa mga magulang niya pero hindi ko sila makasundo. Parang lagi silang galit sa akin. Hindi naman ako makabalik sa amin dahil galit sa akin ang aking ina.

Nang una kaming magpunta doon ng aking asawa, sinampal ako ng aking ina. Mas understanding ang aking ama pero ang gusto ng aking ina ang nasunod. Pinalayas kami at isinumpa na gagapang kaming parang ahas.

Walang trabaho si Edu at umaasa lang kami sa mga magulang niya. Tatlong buwan na kaming naroroon. Madalas kong marinig sa nanay ni Edu na panahon na para magtrabaho kami pareho para hindi kami pabigat sa kanila.

Ano’ng gagawin ko?

Mitzi


Dear Mitzi,


Ibigin n’yo mang magpakasal ay hindi pwede dahil menor-de-edad pa kayo kapwa. Dapat ay na-realize n’yo iyan noon pa.

Pero pareho kayong mapusok at hindi na inisip ang ibubunga ng inyong ginawa. Kung hindi ka pa buntis, magbalik ka sa iyong mga magulang at humingi ng tawad at maghiwalay muna kayo ni Edu. Pag-usapan ninyo iyan ni Edu. Alam kong mauunawaan iyan ng mga magulang ninyo at kayo’y patatawarin. Ipagpatuloy ninyo pareho ang pag-aaral dahil mahalagang pundasyon iyan para sa inyong dalawa. Kung kayo pa rin ang magkakatuluyan pagdating ng araw, panahon lang ang makapagsasabi.

Kung buntis ka na, naririyan na iyan at wala nang atrasan. Dapat matuto si Edu na panindigan ang kanyang pagiging padre de pamilya. Humanap siya ng kahit anong trabaho. Mahirap pero dapat pagsikapan niya.

Dr. Love

Show comments