Tawagin mo na lang akong Milagring, isang 30-anyos na ginang na taga-Masbate. Beinte-singko anyos ako nang mag-asawa. Bago ako magpakasal kay Delfin, may nauna akong boyfriend. Siya ang tunay kong mahal. Nakasal ako kay Delfin dahil iyon ang utos ng aking ama. Sa pamilya namin, ang ama ko ang hari na ang utos ay di-nababali.
Sa limang taong pagsasama namin ni Delfin, iisa ang naging anak ko. Pero hindi ko masiguro kung itoy sa asawa ko nga. Ang dahilan, bago kami ikasal ni Delfin ay nagtalik kami ng aking boyfriend. Isang gabi lang iyon. Iginalang ako ng aking boyfriend sa isang taong relasyon namin. Pero nang nakatakda na akong ikasal ay ipinasya kong ibigay sa kanya ang aking sarili bilang tanda na siya ang tunay kong mahal.
Ngayong limang taon na ang aking anak, binabagabag ako ng aking konsensya. Mahal na mahal siya ng asawa ko at maging akoy labis niyang mahal. Pilitin ko man, hindi ko siyang kayang ibigin at ang mga nakikita niya sa akin ay pawang pagkukunwari.
Ano ang aking gagawin?
Milagring
Dear Milagring,
Isang gabing pagkakamali, habambuhay na pabigat sa budhi. Ganyan ang nangyari sa iyo. Pero naririyan na iyan at hindi na puwedeng baguhin ang mga pangyayari. Kung gusto mong mapanatili ang bigkis ng iyong pamilya, makabubuting panatilihin mo na lang lihim ang iyong nakaraan. Ngunit kung sadyang hindi ito kaya ng iyong budhi, sabihin mo sa kanya ang totoo. Masakit man at posibleng magbunga ng marahas na resulta, magpapagaan naman ito sa dalahin ng iyong dibdib.
Isang magandang aral ito sa mga magulang na tulad ng iyong ama. Ang pag-ibig ay personal at walang ibang makapagdedesisyon kundi ang taong nagmamahal. Hindi ang kanyang magulang o sino man.
Dr.Love