Bago po ang lahat, binabati ko kayo ng isang magandang araw kasama na ang lahat ng mga kasamahan ninyo sa PSN.
Isa po akong Bicolano at sa edad na 22, lumuwas ako ng Maynila para humanap ng trabaho at magandang pagkakataon sa buhay para umunlad.
Dito ko nakilala si Liza Anaiz na siya naming foreman sa trabaho.
Dahil sa kanya ko nakita ang kabuuan ng mga hinahanap kong katangian sa isang babaeng gusto kong makatuwang sa buhay, niligawan ko siya at pinalad naman akong sagutin niya.
Seryoso ako sa kanya. Naging maganda naman ang takbo ng aming relasyon sa kabila ng pangyayaring tutol sa akin ang kanyang mga magulang.
Kaya naman ginawa ko ang lahat ng panunuyo at pagpapakasipag para maipakita ko sa kanya at sa kanyang pamilya na tapat ang layunin ko kay Liza.
Ang balak namin, kapag nakaipon na ako, magpapakasal na kaming dalawa.
Minsan, niyaya ko si Liza na magbakasyon sa aming probinsiya para naman makilala siya ng aking pamilya.
Ang hindi ko alam, may naghihintay pala sa aking hindi magandang kapalaran sa pag-uwi kong ito sa probinsiya kasama ang aking mahal na si Liza.
Isa pala sa mga kapatid ko ay may nakaaway na isang maimpluwensiyang pamilya sa amin. Binalikan nila ang kapatid ko at nagkataong ako ang dinatnan nila sa aming bahay. Masama ang kanilang tangka. Wala akong ginawa kundi idepensa ko lang ang sarili ko.
Minalas namang isa sa mga sumalakay sa aming bahay ay napatay ko sa pagtatanggol ko sa aking sarili. Kaya heto ako ngayon, 10 taong pagdurusahan ang resulta ng aking ginawa.
Sana po, sa pamamagitan ng column ninyo ay magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat. Sana, may isa pang Liza akong makilala na handang tumanggap sa nangyari sa aking buhay.
Maraming salamat po at binabati ko kayo ng Mapayapang Pasko at Masaganang Bagong Taon.
Gumagalang,
Rod Canapit
Dorm 218, Bldg. 2,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Rod,
Merry Christmas din sa iyo at sana sa panahong ito ng pagdiriwang sa pagsilang ng ating Mananakop na si Jesus ay matagpuan mo ang kapayapaan sa isip at damdamin.
Sa panahong ito ng banal na pagkakatawang-tao ng Ating Mananakop, sana ay mataimtim mong idalangin ang kapatawaran ng iyong nagawang pagkakasala.
Bagaman idinepensa mo lang ang iyong sarili, ang paglalagay mo sa mga kamay mo ng batas ang siyang pinagdurusahan mo ngayon sa piitan.
Pero ipakita mo lang ang tapat na pagsisisi at samahan mo ng magandang pagpapakita rin ng kabutihang loob at asal sa loob at hindi maglalaon ay maaaring mapababa rin ang iginawad sa iyong sentensiya.
Samahan mo ng dasal ang lahat na ito at sikapin mo rin sanang mapaunlad ang sarili kahit ka nasa bilangguan.
Oo, makakakilala ka pa ng isang babaeng magmamahal sa iyo sa kabila ng lahat.
Nasisinag naman sa liham mo na isa kang mabuting tao at naging biktima ka lang ng isang masamang pagkakataon.
Dr. Love