Multo ng batang babae naitaboy sa Pangalan ni Jesus

Tumawag sa akin ang aking kababayan at Dean ng National College of Business Administration (NCBA) Quezon City upang humingi ng tulong dahil natatakot ang mga taong gumagawa sa kanyang bagong bahay sa Antipolo City dahil sa batang babaeng multo na nagpaparamdam at nagpapakita sa kanila.

Ilang beses na siyang tumawag sa akin pero hindi niya ako maabutan. Mabuti sa pagkakataong ito ay nakausap niya ako at isinalaysay niya agad sa akin ang mga pangyayari.

Gusto niya akong isama sa kanila upang itaboy ko ang multong ito kasi pati siya ay natatakot na rin. Minsan ang kanyang bantay ay pinakitaan na rin ng multong ito.

Palagi umanong lumilitaw ang multong ito sa isa sa mga kuwarto ng bahay. Nang minsang matulog siya sa kuwartong ito, nagpakita sa kanya ang batang multo at tinanong niya ito kung ano ang pangalan niya. Sumagot ang bata at ang sabi ay Joy ang kanyang pangalan at apat na taong gulang na siya. Siya’y umiiyak at humihingi ng tulong at pagkatapos ay unti-unting nawawala ang boses niya.

Pinuntahan ko ang bahay. Ang layunin ko ay upang ipanalangin at itaboy ang batang babaeng multo.

Nang dumating kami sa bahay, tinawag ko ang lahat ng mga taong gumagawa upang makinig sa binabasa kong Biblia. Binasa ko ang Salmo 19 na nagsasaad na pag-aari ng Diyos ang sanlibutan at ang lahat dito.

Pagkatapos kong basahin ang dalawang talata, nanalangin ako at itinaboy ko ang batang babaeng multo. Nagsimula akong manalangin mula sa ibaba hanggang sa ikawalang palapag ng bahay hanggang sa lahat ng mga silid. Pagkatapos ako’y umuwi na.

Ilang araw ang lumipas, tumawag ang kababayan ko at sinabi sa akin na wala nang nagmumulto sa kanyang bahay. Mapayapa at mahimbing na siyang nakakatulog gayundin ang kanyang mga tauhan. Purihin ang Panginoong Jesus dahil sa ginawang pagpapalayas sa batang babaeng multo.

(Sa mga nais humingi ng payo, panalangin, pagpapala at iba pa, tumawag lamang sa mga telepono ng CLSF: U-belt, 733-1087; Pandacan, 533-5791/563-2809; Tondo, 251-8243/252-6649; Malabon, 273-8256/270-3836; Q.C., 724-0676; Parañaque, 821-5335; Cainta, 656-7998, at Mandaluyong, 533-5171.)

Show comments