Kinse-anyos pa lang akoy paborito ko nang basahin ang iyong kolum sa PSN. Ngayoy 27-anyos na ako at patuloy ko pa rin itong tinatangkilik dahil kinapupulutan ko ng gintong aral.
Tawagin mo na lang akong Lizel ng Valenzuela City, isang hiwalay sa asawa. Tatlong taon na ang nakararaan nang iwanan ako ng mister ko at sumama sa ibang babae. Balita koy kinakasama niya ngayon ang babae at sila ay nasa Cebu.
Wala kaming anak. Sa ngayoy kapisan ko ang aking mga magulang at kapatid at para akong dalaga. Maraming manliligaw pero hindi pwedeng makipagrelasyon dahil legally, may asawa ako.
Muling tumibok ang puso ko nang makilala ko si Ariel, isang tricycle driver, binata at mabait. Mas bata siya sa akin ng limang taon.
Sinagot ko si Ariel pero hindi ako mapa-oo sa gusto niyang magsama kami. Alam kong labag ito sa batas ng tao at ng Diyos.
Ano ang dapat kong gawin? Gusto kong lumaya para naman matikman kong muli ang tamis ng pag-ibig. Ano ang dapat kong gawin?
Lizel
Dear Lizel,
Tama ang desisyon mong huwag makipag-live in. Makakasuhan ka ng adultery ng asawa mo bagamat puwede mo rin siyang kasuhan kung tutuusin. Ilagay mo sa ayos ang iyong sarili bago ka makipagrelasyon.
Komunsulta ka sa abogado para ma-annul ang iyong unang kasal. Sa tingin koy mayroon kang sapat na dahilan para maaprobahan ang annulment.
Kaya lang, bago ka sumubo muli sa pag-aasawa, pagkasuriin mo ang lalaking kasintahan mo ngayon. Siya bay responsable at nakasisiguro ka bang liligaya sa piling niya?
Dr. Love