Lesbian ang asawa

Dear Dr. Love,

Bumabati ako sa iyo sampu ng iyong mga tagasubaybay. Datnan nawa kayo ng sulat ko na nasa mabuting kalusugan.

Ako po si Martin, ordinaryong clerk sa isang bahay kalakal. Hindi ko na ididetalye ang mga bagay na nauukol sa akin dahil masyadong nakakahiya ang aking problema. Isang taon na akong may asawa at wala pang anak. Kaya pala ganoo’y nagpi-pills siya nang di ko alam.

Kung titingnan mo sa pisikal, babaeng-babae ang misis ko. Katunayan, nagkagusto ako sa kanya dahil napakaganda niya. Hindi ko akalaing may itinatago pala siyang lihim. Isa siyang lesbian o nakikipagrelasyon sa kapwa niya babae.

Mayroong isang babaeng ipinakilala niya sa akin bilang "best friend." Nakita ko ang pagiging close nila pero di ko binigyan ng malisya. Akala ko’y normal lang iyon sa mga babae lalo pa’t magkaibigang matalik.

Madalas sa aming bahay ang babaeng ito. Kung minsan, iniiwan ko pa sila sa aming silid.

Pero minsa’y umalis ako sa bahay at naiwan silang dalawa. Talagang wala akong iniisip na masama. Hindi nila inaasahang babalik ako dahil nakalimutan ko ang aking cellphone. Nang datnan ko sila sa kuwarto, naghahalikan sila nang lips to lips.

Inaway ko siya dahil doon. Pero imbes na humingi ng tawad ay lumayas silang dalawa at hangga ngayo’y dalawang buwan na kaming hindi nagkikita. Ano ang dapat kong gawin?

Martin


Dear Martin,


Asawa mo pa rin siya. Take a step para matagpuan mo siya at kausaping mabuti, kumbinsihing magsimula kayong muli at hingin ang pangako niya na magbabago na siya.

Kung hindi umubra ang iyong pakiusap, nangangahulugang mas matimbang sa kanya ang pakikipagrelasyon sa kabaro niya. Wala kang magagawa maliban na lang ang maghintay na kusa siyang magbalik at humingi ng tawad. Puwede ka ring mag-file ng annulment kung gusto mo dahil ang ginawa niya’y isang ground para mawalang-bisa ang kasal niyo. Sa bagay na iyan ay kumunsulta ka sa abogado.

Pero bago iyan, sikapin mong magkaroon ng second chance ang inyong pagsasama. Ang pakikipaghiwalay nang tuluyan ay laging last option.

Dr. Love

Show comments