Una sa lahat, nagpupugay ako sa iyo at sa angaw-angaw mong mga tagasubaybay. Armand ang pangalan ko at tulad ng ibang sumulat na sa iyo, may problema ako sa puso.
Itoy tungkol sa aking girlfriend na si Alona. Dalawang buwan na ang nakaraan, nakipag-break ako sa kanya dahil sa selos. Iyan ang diprensya ko. Masyado akong seloso. May nakapagsabi kasi sa akin na nakita ang girlfriend ko sa isang mall na may kasamang ibang lalaki. Ni hindi ako nag-usisa kung sino ang lalaking iyon at basta na lang ako nakipag-break sa kanya.
Nalaman ko na lang na uncle niya ang kasama niya sa mall na nagbalikbayan mula sa Amerika. Labis akong nagsisi at nakikipagbalikan ako sa kanya. Humingi ako ng tawad at pinatawad naman niya ako. Pero sabi niya, hindi na raw siya puwedeng makipagbalikan sa akin dahil may ibang nobyo na siya.
Masakit ang sinabi niyang iyon. Ilang ulit akong dumulog sa kanya at baka sakaling magbago ang isip at makipagbalikan siya sa akin pero ayaw niya talaga.
Ano ang gagawin ko?
Armand
Dear Armand,
Mahirap ipilit ang sarili sa babaeng ayaw na sa iyo. Puwede kang magpabalik-balik sa kanya para patunayang tunay kang nagsisisi. Pero kung ayaw na talaga niya sa iyo, harapin mo ang katotohanan at humanap ng iba.
Hindi dapat tumigil sa pag-ikot ang mundo nang dahil lang sa isang kabiguan. Lahat ng tao ay nakakaranas mabigo. Pero hindi nangangahulugan na magmumukmok na lang tayo sa sulok habang nabubuhay. Tandaan mo, life goes on.
Sanay magsilbing aral sa iyo ang nangyari. Ang pagseselos nang wala sa lugar ay madalas magbunga ng kapahamakan.
Dr. Love