Isang mainit na pagbati mula sa likod ng rehas.
Sana poy datnan kayo ng sulat kong ito na nasa mabuting kalusugan at ligtas sa anumang uri ng sakuna.
Ako nga po pala si Neil John dela Cerna, 27 years-old at kasalukuyang nakapiit sa loob ng madilim na selda. Binata pa po ako at ang dahilan ng aking pagkakakulong ay dahil sa isang binibini na bagaman minahal ko nang labis, ang isinukli sa akin ay luha at kabiguan.
Lumaki po ako at pinag-aral ng aking mga magulang na puno ng pangaral na irespeto at mahalin ang Dakilang Lumikha. Binusog ako sa aral ng aking mga magulang na mahalin at pahalagahan ang kapwa.
Pero sa isang iglap, ang mga pangaral na ito ay nawalang kabuluhan dahil sa pagdidilim ko ng isip at hangad na mailigtas sa panganib ang isang minamahal.
Nagsimula ang aking kalbaryo nang ang babaeng minamahal ko ay pagtangkaang halayin ng isa niyang manliligaw.
Nagsuplong siya sa pulisya para masampahan ng kaso ang lalaking ito.
Pagkaraan nito, minsan nang papunta kami ni Marjorie sa opisinang pinag-aaplayan ko ng trabaho pa-abroad, hindi sinasadyang nakasalubong namin ang lalaking nagtangkang gumahasa sa kanya.
Walang pangingiming pinagsabihan nito si Marjorie na iurong ang kaso at kung hindi ay papatayin niya ang buong pamilya ng mahal ko.
Nagdilim ang aking isip. Nagpanting ang aking tainga at nakahagip ako ng isang dos por dos at pinagpapalo ko siya sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Hindi ko namalayan na napatay ko na pala siya.
Isinuko ko ang sarili ko sa pulis para harapin ang nagawa kong pagkakasala.
Dinalaw ako ng aking mga magulang at mga kamag-anak sa presinto. Murder ang isinampa sa aking kaso. Hindi ako pinayagang makapaglagak ng piyansa. Pero ang lalong ikinasama ng loob ko, si Marjorie ay tumangging tumestigo. Nakulong ako at minsan lang dumalaw sa akin ang nobya ko.
Sa ginawang paglilitis, napatunayang nagkasala ako kayat nahatulan ako ng pagkabilanggo ng minimum na 15 taon hanggang 20 taon.
Napakasakit na isiping nakulong ako sa pagpoprotekta sa aking girlfriend.
Hanggang sa nalipat ako dito sa Davao Prisons and Penal Farm, ang pook na maituturing na pugad ng mga kriminal at mga taong lumalabag sa batas.
Hindi ko lubos na maunawaan kung bakit nahantong sa ganito ang aking buhay.
Tanggap ko na bigo ako sa pag-ibig pero ang katanungang nananatili sa aking isipan ay kung bakit umabot sa ganito katindi ang pagsubok sa akin.
Hanggang dito na lang po at sana ay matulungan ninyo ako na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Sulat na lang po ang kailangan namin dito sa loob para makabawas sa dinaranas naming kalungkutan.
Gumagalang,
Neil John Dela Cerna
Maximum Security Camp
D.P.P.F.,
Dapecol, Davao del Norte
Dear Neil,
Salamat sa liham mo at sana ay datnan ka rin ng pitak na ito na nasa mabuting kalagayan.
Maraming pangyayari sa ating buhay na bagaman hindi plinano, walang abug-abog na dumating at nakakaapekto nang malaki sa ating katauhan.
Ang nangyari sa iyo ay maaaring isa ngang matinding pagsubok sa buhay. Hindi naman ito ibibigay sa iyo kung hindi alam ng nasa Itaas na kaya mo itong malampasan.
Dagdagan mo pa ang pagtawag sa Kanya. Alam kong pinagsisihan mo na ang kabiglaanang naganap sa iyo ng mga sandaling maganap ang insidente.
Hindi talaga para sa iyo si Marjorie. Mabuti naman at natanggap mo na ang nobya mo ay marupok at ang namahay sa kanyang puso ay ang takot sa sariling kaligtasan gayundin ng kanyang pamilya.
Hangad ng pitak na ito na makamit mo ang maagang paglaya sa pamamagitan ng pagpapakita ng kagandahang asal at tapat na pagsisisi.
May babae ka pang matatagpuan na magmamahal sa iyo nang wagas at buong katapatan.
Huwag ka lang mainip.
Dr. Love