Isa pong magandang araw sa inyo at sa lahat ng mga bumubuo ng inyong malaganap na pahayagan.
Isa po akong bilanggo dito sa Inagawan Sub-Colony. Nakulong ako sa salang robbery kidnapping with murder noong 1989. Noon ay 17 years-old pa lang ako.
Dahil sa kahirapan, nakagawa ako ng paglabag sa batas. Pero ang lahat na ito ay inihingi ko na ng tawad sa Diyos.
Habambuhay na pagkabilanggo ang iginawad sa akin. Maluwag kong tinanggap ang parusang inihatol sa akin noong 1995.
Dinala ako sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa. Habang nasa kulungan, maraming mga pagsubok akong dinaanan. Taong 2000 ay dinala ako dito sa Iwahig Penal Colony Farm sa Palawan. Taong 2004, sinubukan kong magpa-publish sa PSN ng aking pangalan para magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
May sumulat naman sa akin. Nag-iisa lang. Nasabi ko noon sa sarili ko na marami pa ring takot na makipagkaibigan sa mga bilanggo.
Tawagin natin siya sa pangalang Ms. M.R.R., ang naging kasulatan ko. Isa siyang taga-Bicol. Mabait siya at maunawain. Habang patuloy ang aming pagsusulatan, nagkaunawaan kaming dalawa. Ang hindi ko alam, mayroon pala akong kasamahan na gustong agawin sa akin si Ms. M.R.R.
Okay na rin sa akin ang nangyari. Pero ang nais ko lang ipanawagan kay Ms. M.R.R. ay tiyakin muna niya ang tunay na pagkatao ng ipinalit niya sa akin. Alamin niya kung nanloloko lang siya.
Sana, sa pagbabasa ni Ms. M.R.R. sa liham kong ito, nais kong sabihin na mahal ko pa rin siya.
Kung siya man ang napili niyang ipalit sa akin, sana hindi siya padadala agad sa mga sinasabi niya. Kung ako ang tatanungin ni Ms M.R.R., kilala ko ang pagkatao ng ipinalit niya sa akin.
Sana po, magkaroon akong muli ng mga kaibigan sa panulat sa pamamagitan ng inyong column.
Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa sulat ko at more power to you.
Jofferson Tumala
Inagawan Sub-Colony
c/o Pastor J. Anteza
N.B.P. Ministries, P.O. Box 213,
Puerto Princesa City,
Palawan 5300
Dear Jofferson,
Salamat sa liham mo at sana sa pagbasa mo nito, ang poot at galit sa puso mo ay mawala na.
Sa pamamagitan ng pitak na ito, inaasahan naming magkakaroon kang muli ng mga kaibigan sa panulat na papawi sa bagot mo diyan sa loob at magbibigay sa iyo ng panibagong pag-asa at inspirasyon sa buhay.
Ituring mong talagang hindi para sa iyo si Ms. M.R.R. dahil hindi pa naman kayo mag-asawa.
May laya siyang magpalit ng isip dahil maaaring higit siyang nabihag ng kasamahan mo diyan sa loob.
Huwag nang sa iyo magmula ang impormasyon kung ano ang pagkatao ng ipinagpalit niya sa iyo. Baka sabihin niyang naiinggit ka lang.
Idalangin mo na lang na sana, matauhan siya at makilala niya ang kabutihan mo kung ihahambing sa ipinagpalit niya sa iyo.
Pagbutihan mo ang pagbabagong-loob at dalangin ng pitak na ito na makabilang ka sa mga bibigyan ng kapatawaran ng Pangulo.
Huwag kang mawalan ng pag-asa. Habang buhay ang isang tao, may tinatanaw siyang bagong pag-asa at bagong buhay.
Dr. Love