Bakit ako?

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa libu-libong tagahanga ng malaganap ninyong column sa PSN at inaasahan kong sa pamamagitan nito ay matutupad ko ang pangarap na magkaroon ng maraming mga kaibigan sa panulat.

Sumulat din po ako para maibahagi sa libu-libo ninyong mga mambabasa ang masaklap kong karanasan sa buhay na siyang dahilan kung bakit narito ako ngayon sa madilim na sulok ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan Sub-colony.

Nakulong po ako sa pagkakasalang ni sa hinagap ay hindi ko lubos na maisip kung magagawa ko.

Hindi ko po lubos na inaasahan ang mga pangyayari sa aking buhay.

Nagsimula ang aking madilim na buhay noong Hulyo 1990. Nag-iinuman kami ng aking kaibigan dahil mayroon daw siyang problema sa kanyang girlfriend at inihingi niya ito ng payo sa akin.

Ang kanyang nobya raw ay mayroong ibang kasintahan.

Pinagpaliwanagan ko siya tungkol sa relasyon nila ng nobya niya.

Matapos pagpaliwanagan, nagpaalam ang aking kaibigan at pupuntahan daw niya ang nobya niya. Pinigil ko siya na magpunta doon ng nag-iisa dahil lasing na siya.

Sinabi kong sasamahan ko siya sa bahay ng kasintahan niya. Nagpunta ako sa kuwarto at nagpalit muna ng damit.

Nang lumabas ako sa kuwarto, wala na ang aking kaibigan. Nagdesisyon akong sundan siya sa tahanan ng kanyang nobya.

Kumatok ako sa pinto pero walang sumagot. Itinulak ko ang pintuan at laking sorpresa ko nang makita kong naliligo sa sariling dugo ang kaibigan ko at ang nobya niya.

Tumawag po ako ng saklolo sa mga kapitbahay at mayroon namang nakapansin sa sigaw ko.

Hindi naglaon at may dumating na mga pulis at isinama nila ako sa himpilan para tanungin sa naganap na pangyayari.

Pero doon sa himpilan, isang lalaki ang siyang nagturo sa akin na pumatay sa dalawang magkasintahan.

Alam po ng Diyos na wala akong kasalanan sa nangyari.

Pero sa kabila ng pagtatanggol ko sa aking sarili, walang nangyari hanggang sa madala ako sa lugar na kinaroroonan ko ngayon.

Gumagalang,

Jerry Espiritu
c/o Pastor Jonathan Anteza
NBP Ministries,
P.O. Box 213,
Puerto Princesa City


Dear Jerry,

Talagang balintuna ang buhay.

May mga pangyayaring hindi mo inaasahang dumarating na nakapagpapabago sa buhay ng tao.

Sa kaso mo, ang pangyayaring naganap sa buhay mo ay hindi mo inaasahan at hindi mo kagagawan.

Kung mayroon kang sapat na ebidensiya na wala kang pagkakasala, puwede ka pa bang umapela?

Kailangan mo ang mahusay na abogado para muling pabuksan ang iyong kaso.

Sana, lumabas din ang katotohanan sa nangyari.

Idalangin mo sa Panginoon na sana ay makonsensiya ang tunay na may kasalanan para maiwasto ang hindi makatarungang pagkakakulong sa iyo.

Dalangin ko rin na mabigyan ka ng parole ng ating Pangulo para muli kang makagbagong-buhay.

Dr. Love

Show comments