Una po sa lahat, taos puso po akong bumabati ng isang magandang araw at nawa ay maluwalhati kayong datnan ng aba kong liham.
Isa po ako sa libu-libo ninyong tagasubaybay ng malaganap ninyong column na Dr. Love. Dahil na rin sa patuloy kong pagbabasa ng pitak ninyo, nagka-interes akong lumiham at ibahagi rin ang karanasan ko sa buhay na pabalik-balik sa aking gunita tuwing ako ay nag-iisa.
Sa pagkakataong ito, bayaan ninyong himayin ko ang mga pangyayaring naging daan sa pagkakasadlak ko sa lugar na ito na aking kinaroroonan sa kasalukuyan.
Enero 1996 nang una kong masilayan ang babaeng nagpatibok sa aking puso. Hindi naman siya ubod ng ganda at hindi naman siya pangit.
Dala na rin marahil ng likas kong kabaitan at iba pang katangian, nakamtan ko ang kanyang matamis na oo hanggang sa bumuo na kami ng mga pangarap namin sa buhay.
Noon, masayang-masaya ako. Matuling lumipas ang dalawang taon at wala akong kamalay-malay na ang isang insidenteng naganap sa matahimik na gabi ang siyang magiging simula ng aking kalbaryo.
Pinasok kami noon ng masasamang loob. Pilit nilang nakuha ang aking munting kinita sa pagbebenta ng palay. Hindi lang iyon, nilimas din nila ang laman ng aming tindahan na siyang tangi naming inaasahan na ikabubuhay.
Nagbanta ang grupo na nanloob sa amin na papatayin nila kami kapag nagreklamo sa mga alagad ng batas.
Nataranta ako. Daglian akong nagtungo sa kuwarto para kumuha ng baril. Hinabol ko ang grupo at walang humpay na pinagbabaril at ilan sa kanila ang aking tinamaan at dalawa ang namatay.
Dalawa sa anim na magkakasama ang nakatakbo at iniwanan ang kanilang kasamahan.
Maraming tao ang nagsidalo nang marinig nila ang putukan at naging daan ito para ang mga masasamang loob ay makaalis.
Taliwas sa inaasahan ko ang nangyari dahil nabaligtad ang sitwasyon.
Habang ako ngayon ay nakakulong sa kasong homicide, ang miyembro ng grupo ay pagala-gala sa aming bayan.
Kung paano po ito nangyari ay hindi ko alam. Sa paglilitis ng korte, laking gulat ko pa nang tumestigo laban sa akin ang kinakasama kong babae.
Masakit para sa akin ang nangyari. Ito pa ang naging hudyat para matalo ako sa kaso.
Naging mistulang bangungot sa akin ang mga pangyayari.
Inaasahan ko pong mabibigyan ninyo ako ng payo. Sana rin po magkaroon ako ng maraming kaibigan sa panulat.
Hanggang dito na lang po at more power to you.
Jessie Abuan
c/o Pastor J. Anteza
NBP Ministries,
P.O. Box 213, P.P.C.,
Palawan 5300
Dear Jessie,
Malungkot nga ang karanasan mo sa buhay. Pero huwag sanang maging daan ito para magtanim ka ng galit sa puso.
Sana, hindi mo inilagay sa mga kamay mo ang batas.
Sana, tumawag kayo ng mga alagad ng batas at sila ang dapat na tumigis sa masasamang loob.
Pero nangyari na iyan. Walang makapagsasabi kung ano ang magiging reaksyon ng isang tao kapag naaapi.
Ipagpatuloy mo ang pagbabagong-buhay sa loob at huwag mong kalimutan ang manalangin.
Hindi naman natutulog ang nasa Itaas. Kung naapi ka noon, bukas may bawi naman sa kanila sa iba namang hindi inaasahang pangyayari.
Huwag sana itong maging daan sa pagkawala mo ng tiwala sa batas at lipunan.
Lakasan mo ang loob at tibayan ang pananampalataya.
Dr. Love