Matagal na akong sumusubaybay sa iyong malaganap na kolum at hindi ko akalaing darating ang araw na ito na kakailanganin ko ang mahalaga mong payo.
Tawagin mo na lang akong Teban, isang hamak na kargador sa palengke. Guwapo naman ako pero ang kapintasan ko ay ang pagiging isang-kahig-isang-tuka.
May nagugustuhan akong babae. Una ko pa lang siya nakita ay tumibok na para sa kanya ang aking puso. Tawagin mo na lang siyang Gracia. Madalas ko siyang makitang namamalengke at ako ang tagakarga ng kanyang mga napamili.
Maganda si Gracia pero suplada. Minsang dumiga ako sa kanya, pinagtawanan lang niya ako. Isa lamang ding katulong sa bahay si Gracia. Sabi ko sa sarili ko, hindi niya ako puwedeng pagmalakihan dahil pareho lang kaming pobre.
Minsan habang bitbit ko ang kanyang bayong at basket patungo sa mga tricycle, naglakas-loob akong magtapat ng pag-ibig sa kanya. Para siyang naasar. Sabi niya, hindi raw niya ako papatulan dahil hindi ko maibibigay ang pangarap niyang magandang buhay. Masakit siyang magsalita. Binasted na nga niya ako, pinagtawanan pa ako na parang nakakaloko.
May nabuong balak sa aking isip. Kikidnapin ko siya at gagahasain para mapilitan siyang magpakasal sa akin. Pero natatakot ako dahil bitay ang parusa sa rape. Ano ang dapat kong gawin?
Teban
Dear Teban,
Ito ang dapat mong gawin. Humanap ka ng ibang maliligawan. Kahit patay na patay ka pa kay Gracia, wala siyang gusto sa iyo. Mabuti ngat hindi ka niya pinaasa sa wala.
Huwag kang gagawa ng labag sa batas at huwag ipilit ang sarili sa babaeng ayaw naman sa iyo. Pagpalagay na nating mapitas mo siya sa pilit, ano ang magiging tamis ng iyong pagsasama kung hindi ka niya mahal?
Baka dumating pa ang araw na kaliwain ka niya eh di ikaw pa ang naiputan sa ulo pag nagkataon? Mag-isip-isip ka.
Dr. Love