Tutol ang mga magulang

Dear Dr. Love,

Isang mapagpalang pagbati ang ipinaaabot ko sa iyo at sa lahat ng iyong mga tagahanga. Tawagin mo na lang akong Cory ng Lucena City, 19-anyos. Cory ang napiling pangalan ng mga magulang ko dahil isinilang ako sa panahong popular na popular si President Cory Aquino. Lumiham ako dahil sa problema ko sa puso.

Mahirap lang kami at ang tatay ko’y isang magsasaka samantalang tindera sa palengke ang aking nanay. Mabuti na lang at nag-iisa akong anak kaya nagawa nila akong papagtapusin ng dalawang taong Computer Secretarial course. Dalagita pa lang ako, madalas sabihin sa akin ng tatay na pag dalaga na ako, pumili raw ako ng isang kasintahang mayaman. Dapat daw na yung layaw na hindi nila naibigay sa akin ay matamasa ko sa piling ng isang kabiyak na masalapi.

May boyfriend ako, si Tony. Kapareho ko rin siyang mahirap. Tricycle driver ang kanyang tatay at ang ina ay isa ring tindera. Dahil sa hirap, second year college lang ang natapos ni Tony. Kaya tulad ng ama niya, namasada na lang ng tricycle si Tony. Masikap sa buhay si Tony at sa katitiyaga, nakapagpundar siya ng maliit na tindahan ng spareparts ng tricycle. Isang taon pa lang ang tindahan niya.

Ang problema ko ay tutol sa kanya ang mga magulang ko dahil mahirap din sila. Kung mag-aasawa raw ako, tiyakin ko na ang mapapangasawa ko ay yung makakapagpaahon sa amin sa kahirapan.

Pero mahal ko si Tony. Kasalanan ba kung suwayin ko ang gusto ng parents ko?

Cory


Dear Cory,


Sasang-ayon ako sa mga magulang mo na layuan si Tony kung siya’y mahirap na, batugan pa. Pero gaya ng pagkakalarawan mo sa kanya, isa siyang taong masikap at marunong maghanapbuhay. Iyan ang importante dahil ang pag-aasawa’y hindi puro pag-ibig lang. Naglalaho ang pag-ibig kapag nagsimulang kumalam ang tiyan.

Pero hindi hadlang ang kahirapan sa relasyon. Ang importante, ang magkasintahan ay iniintindi ang magiging kinabukasan nila kapag sila’y nakasal na.

Hindi kasalanan ang lumabag sa gusto ng mga magulang kung personal na kaligayahan ang nakataya. Ipaliwanag mo lang sa kanilang mabuti ang magagandang katangian ni Tony, na sa kabila ng kahirapan ay marunong magpunyagi upang umasenso.

Dr. Love

Show comments