Dahil sa Panginoon

Dear Dr. Love,

Una sa lahat, nais ko pong batiin kayo at lahat ninyong kasamahan sa PSN.

Isa po ako sa masusugid na tagasubaybay ng malaganap ninyong pahayagan at ng pitak ninyong Dr. Love.

Ako nga po pala si Gabby Erente, isang bilanggo dito sa Inagawan Sub Colony sa Palawan. Sumulat po ako sa inyo para maisalaysay ang malungkot kong buhay at sana, mabigyan po ng katarungan ang aking kaso.

Sa totoo lang po hindi ko malaman kung bakit naging masaklap sa akin ang kapalaran. Isa po ako sa itinuro sa isang pagkakasalang hindi ko naman ginawa. Dahil po sa kakapusan sa pananalapi, hindi nabigyang katarungan ang aking kaso kaya’t nahatulan ako nang mula 12 hanggang 20 taong pagkabilanggo.

Labinglimang taon na po ako dito sa loob at hindi ko lubos na maisip kung bakit ko natagalan ang mabigat kong sentensiya. Pero sa awa at tulong ng Panginoon, nalampasan kong lahat ang mga pagsubok. Hindi kasi ako nakakalimot na tumawag sa Diyos para dagdagan ang tatag ng aking loob at anumang darating pang pagsubok sa buhay.

Dr. Love, nais ko pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para lalong madagdagan ang aking inspirasyon sa buhay at maibsan ang mabigat kong suliranin.

Nagsisilbi ring inspirasyon ko sa pagsalunga sa buhay ang suportang kaloob ng aking mga magulang at kapatid. Kung hindi sa kanila, marahil hindi ko nakayanang tiisin ang pagbalikat sa mabigat na sentensiyang ipinataw sa akin.

Hanggang dito na lang po at sana, patuloy kayong tumanggap ng biyaya ng Panginoon at magpatuloy ang pagtatagumpay ng malaganap ninyong column.

Lubos na gumagalang,

Gabby Erente


c/o Pastor Jonathan Anteza

NBP Ministries, P.O. Box 213

PPC 5300 Palawan


Dear Gabby,


Salamat sa liham mo at sana, mabasa ito ng mga kinauukulan para mabigyang katarungan ang iyong kaso.

Nagpapasalamat din ang pitak na ito sa patuloy mong pagtitiwala sa gabay ng ating Panginoon. Hindi ka nagkakamali dahil ang Panginoon lang ang nakapagbibigay sa tao ng ganap na katiwasayan ng kalooban sa gitna ng pangungulila at kung sa tingin mo ay masyado kang naaapi.

Ipagpatuloy mo ang paghingi ng awa sa Kanya at huwag kang mawawalan ng tiwala sa Diyos na Siyang nakakabatid ng katotohanan.

Inaasahan naming sa pamamagitan ng pitak na ito ay magkaroon ka ng maraming mga kaibigan sa panulat.

Dr. Love

Show comments