Hindi na rin ako malaya

Dear Dr. Love,

Ako po ay isa sa libu-libong mambabasa ng malaganap ninyong pahayagang Pilipino Star Ngayon. Hindi po kumpleto ang araw ko kung hindi ko nababasa ang pitak ni Dr. Love. Alam kong marami na kayong natulungang tulad ko na may problema sa puso.

Inaasahan ko pong sa pamamagitan ng paglalathala ninyo ng liham kong ito, may mahalagang aral na mapupulot ang inyong mga mambabasa at makakatulong din sa akin para mabawasan ang kalungkutang dinaranas ko dito sa Pambansang Piitan.

Ako po nga pala ay si Rico del Rosario, 35 years-old at tubong Meycauayan, Bulacan. Tapos po ako ng high school at dahil sa hirap ng buhay ay hindi nagkapalad na makapagtapos ng kurso sa mataas na antas ng unibersidad.

Nagsikap akong makapagtrabaho para makatulong sa aking pamilya at hindi ko iniisip na daranasin ko ang kalbaryo ng buhay dito sa piitan.

Noong una ay maganda ang takbo ng buhay ko sa trabaho pero hindi ko lubos na maisip kung bakit nadamay ako sa krimeng pinagdurusahan ko sa ngayon.

Maganda noong una ang trato sa amin ng aming amo. Pero nang kalaunan, naging mabagsik siya. Hindi ako pinasasahod at hindi rin pinakakain.

Nagdesisyon akong umalis sa trabaho. Hindi ko inaasahan na pinaslang ng mga kasamahan ko ang amo namin. Nakasama ako sa gulo nila.

Wala akong nagawa kundi tanggapin ang kalbaryo ng buhay dito sa loob ng kulungan. Naisip ko tuloy kung bakit naging masaklap ang buhay na ibinigay sa akin ng tadhana.

Mula walo hanggang 14 taon ang hatol na iginawad sa akin ng korte.

Dahil nakulong ako, iniwan ako ng aking pamilya at ng babaeng minamahal ko.

Dito sa kulungan, natutuhan kong tanggapin ang masaklap na hatol at naging matatag ang paniniwala sa Maykapal. Ang sabi ng aking mga kasamahan, marahil ang masaklap na karanasang dinaranas ko ngayon ay isang daan tungo sa magandang bukas.

Sa pamamagitan po ng pitak na ito, nais kong iparating kay Leah de Jesus na sa loob ng mahabang panahon ay hindi siya nawaglit sa puso at isipan ko. Minahal ko po siya nang higit pa sa hiningi niyang pagmamahal sa akin.

Ngunit alam kong hindi na kami masaya sa isa’t isa. May asawa na siya. Hindi na siya masaya dahil sa may sarili na siyang pamilya at hindi na rin ako malaya.

Sana po, matagpuan naming pareho ang masayang buhay na aming hinahanap.

Sana ay mabatid din niya na hindi ko siya kailanman niloko at matanggap sana niyang minahal ko siya nang totoo.

Para sa akin, isa siyang masaklap at matamis na nakaraan na kailanman ay hindi magiging akin.

Maraming salamat po sa paglalathala ninyo ng liham ko at more power to you.

Rico del Rosario
Runner Department, Bldg. 2
Dormitory 237,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776


Dear Rico,

Salamat nang marami sa liham mo at sana sa pagtunghay mo sa lathalaing ito, makatighaw sa pangungulila mo ang kabatirang malaki ang posibilidad na mabasa ito ng dati mong nobya.

Makakatulong nang malaki ang paghahayag ng nasa kalooban mo para mahugasan kung anumang pagkakasala ang nagawa mo sa pagkakasabit sa isang krimen na ikamo ay hindi mo naman ginawa.

Alam kong napagsisihan mo na ang lahat at sana, matutuhan mo pang idalangin na tibayan pa ang loob mo para makaiwas sa iba pang gulo na maaaring salungain habang nasa kulungan.

Dalangin ng pitak na ito ang maaga mong paglaya pagkaraan ng rehabilitasyon sa loob ng kulungan.

Dr. Love

Show comments