Umibig sa houseboy

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lamang akong Cristy, 19-anyos at isang Nursing student. May kaya ang aking mga magulang at ako’y matatawag na lumaki sa layaw.

Dahil siguro rito, nagdalaga ako na isang pihikan sa maraming bagay, lalo na sa mga manliligaw. Pero nagbabago pala ang tao. Nangyari ito nang ako’y ma-in love sa aming katulong na lalaki.

Mabait kasi siya at may hitsura rin naman. Naging magaan ang loob ko sa kanya at naikuwento niya sa akin ang kanyang buhay. Ang ambisyon niyang hindi natupad dahil sa kahirapan. Gusto niyang maging manunulat pero wala naman silang pera para makapag-aral siya at maabot ang kanyang ambisyon.

Mga mangingisda ang kanyang mga magulang sa probinsya at hindi siya nakatapos ng high school. Kaya ipinasya niyang magtungo sa Maynila sa pagbabakasakaling makapag-working student. Pero dahil sa baba ng kanyang narating, hindi siya makakita ng trabaho na ang kinikita’y hindi sapat tustusan ang kanyang pag-aaral.

Hindi naman siya nanliligaw sa akin. Pero hindi ko maintindihan ang aking sarili. Mayroon akong boyfriend na isang medical student ngunit parang unti-unting nawawala ang aking love sa kanya dahil may kaunting kayabangan. Ano ang gagawin ko?

Cristy


Dear Cristy,


Hindi naman siya nanliligaw sa iyo. Cross the bridge when you are there. Kung manligaw siya sa iyo, walang masama kung sagutin mo siya sa kabila ng kanyang katayuan basta’t tapat siya sa kanyang pag-ibig sa iyo. Pero iyan ay isang bagay na dapat pag-aralang mabuti. Timbangin mo ang sitwasyon kung ang gagawin mong pakikipagrelasyon sa kanya ay makabubuti sa sarili mo.

Sakaling humadlang ang iyong mga magulang, makabubuti na tapusin mo ang iyong kurso hanggang sa sumapit ka sa tamang kalagayang makapagdesisyon para sa sarili mo.

Dr. Love

Show comments