Isang masaganang pagbati sa inyo, sa lahat ng mga bumubuo ng PSN at sa lahat ng inyong mga mambabasa.
Alam ko pong marami ng mga bilanggo ang nagpadala ng liham sa inyong column at ako man po ay isa ring bilanggo na nahatulan ng pagkakapiit mula walo hanggang 14 taon.
Nakabuno na po ako ng pitong taon at sana, mapadali na ang inaasam kong paglaya.
Ipinanganak po ako sa Iloilo noong Enero 18, 1974. Dala ng kahirapan, lumuwas po ako ng Maynila para makipagsapalaran sa buhay at pinalad naman na makapasok bilang waiter sa isang restaurant.
Dito ko nakilala ang isang babae na nagpatibok ng aking puso. Naging mabuti naman ang aming relasyon ng babaeng ito pero nabalitaan ko na bukod sa akin, mayroon pa pala siyang isang boyfriend.
Sa kabila nito, pinilit ko siyang unawain. Hanggang isang araw, nagkasalubong kami ng isa pa niyang nobyo. Binati ko siya ng magandang gabi pero hindi ko akalain na minasama pala niya ang pagbibigay-galang kong ito.
Nang palabas na ako sa restaurant, pagkaraan ng aking duty, isang jeep ang huminto sa harap ko at nakita kong palapit sa akin ang boyfriend number 2 ng aking nobya. May hawak siyang pamalo at inundayan niya ako ng palo. Pilit kong iniilagan ang pamamalo niya pero wala na akong magawa at nagpanting na rin ang tainga ko. Naagaw ko ang pamalo pero groggy na ako. Sa kabila nito, nakita kong bumunot ng hunting knife ang karibal ko at pinagsasaksak ako. Pero naagaw ko ang patalim niya at nagdilim ang aking paningin at napatay ko siya.
Pagkatapos ng isang taong paglilitis, nahatulan ako ng mahabang panahong pagkabilanggo. Pero sa kabila ng lahat, ipinagpasa-Diyos ko na lang ang aking buhay. Hindi ko sinisisi ang Maykapal sa nangyari sa akin. Marahil, mayroon Siyang magandang plano kung kayat nasadlak ako sa lugar na ito.
Sa kabila nang lahat, hindi ako nawawalan ng pag-asa. Sana malampasan kong lahat ng unos sa buhay ko at inaasahan kong sa pamamagitan ng sipag at tiyaga ay makakabangon din ako. Pero iniwan na ako ng babaeng minahal ko.
Tinanggap ko na rin na hindi kami para sa isat isa. Ang hangad ko lang, sana makatagpo ako ng ibang babae na tatanggap sa akin sa kabila ng mga pinagdaanan ko sa buhay.
Handa ko pa ring buksan ang pinto ng aking puso sa sandaling may makilala akong makapagpapatibok uli ng aking puso.
Hanggang dito na lang po at hangad ko ang patuloy ninyong tagumpay.
Gumagalang,
Peter Poblador
MSC Building 2 Dorm 217
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Peter,
Hanga ako sa pananaw mo sa buhay. Marahil nga, niloob ng Panginoon na mapunta ka diyan para lalo mong makilala ang sarili mo.
Habang handa ka sa ikalawang pagkakataon sa tawag ng puso, sana, hindi ka uli magiging bulag sa katotohanan na ang iyong kabutihan at kabaitan sa nobya ay dapat ding may sukling katapatan.
Huwag mo nang hanapin pa ang nobya mo at sana makilala mo na ang babaeng magiging tapat sa iyo para hindi ka uli mabulid sa kinasadlakan mong lugar.
Ipagpatuloy mo ang kabutihan pero dapat mo ring mahalin ang sarili mo.
Dr. Love