Huwag ‘iputan’ ang iyong mister

Dear Dr. Love,

Isa pong magandang araw sa inyong lahat sa PSN. Ako po ay kabilang sa marami ninyong tagahanga at ipinagmamalaki kong sabihin na hindi buo ang araw ko kung hindi ko nababasa ang malaganap ninyong column at siyempre pa ang diyaryo ninyo. Sana ay mailathala ninyo ang sulat ko.

Tawagin ninyo na lang po akong Ms. Capricorn, may asawa. Ang problema ko po ay may nagkakagusto sa aking isa ring may asawa.

One year na ho kami at hindi po alam ng asawa ko at asawa niya na may relasyon kami. May nangyari na po sa amin. Alam ko pong mali ang ginagawa ko. Minsan-minsan lang kami mag-usap at magkita.

Ilang beses na niyang ginawa sa asawa niya ang ganito at ako naman ay first time lang. Ayokong malaman ng asawa ko at asawa niya ang relasyon namin. Iniingatan niya ang relasyon namin dahil gusto raw niyang tumagal ito. Mahal daw niya ako at kung hindi raw dahil sa mga anak nila ay hihiwalayan na niya ang asawa niya. Mabait raw ako at ibang-iba sa asawa niya.

Dr. Love, ayokong malaman ng asawa ko ang relasyon namin dahil mahal ko ang asawa ko. Kaya ko lang ginagawa ito ay para magbago ang asawa ko. Crush ko lang ang karelasyon ko dahil mas matangkad siya kaysa sa asawa ko. Ano ang dapat kong gawin? Pagpayuhan po ninyo ako.Lubos na gumagalang,

Mrs. Capricorn


Dear Mrs. Capricorn,


Kung pagpapayuhan ba kita ay susunod ka kahit binilog ka na ng makamundo mong damdamin sa ibang lalaki?

Pakasiyasatin mo ang sarili mo. Sinasabi mong mahal mo ang asawa mo pero "crush" mo ang iyong kalaguyo dahil "mas matangkad"siya kaysa sa asawa mo. Mababaw ang dahilan mo. Kung mahal mo ang mister mo, hindi mo siya "iiputan" sa ulo.

Sana nga lang ay huwag mabisto ang pangangaliwa mo sa iyong asawa at ang pangangaliwa rin ng kalaguyo mo sa misis niya.

Dr. Love

Show comments