Bilanggo, hanap ay mga kaibigan

Dear Dr. Love,

Una sa lahat ay taos-puso akong bumabati sa inyo ng magandang araw at nawa’y maluwalhati kayong datnan ng aba kong liham.

Isa po ako sa libu-libong tagasubaybay ng inyong malaganap na column na "Dr. Love." Dahilan na rin sa pagbabasa ko ay nagka-interest akong sumulat sa inyo upang ibahagi rin ang mga naging karanasan ko sa buhay na magpahangga ngayon ay paulit-ulit kong naaalala tuwing ako ay nag-iisa. Ganito po ang buong pangyayari kung bakit ako ngayo’y nasadlak sa kulungan.

January 3, 1993 nang una kong masilayan ang kauna-unahang babaeng nagpatibok ng aking puso. Hindi siya maganda at hindi rin naman pangit. Dala na rin siguro ng likas kong kabaitan ay pinalad akong makamit ang kanyang pagtitiwala at pagmamahal. Walang kasing saya ang naramdaman ko lalo na kapag kasama ko siya, hanggang sa bumuo na kami ng mga pangarap na masaya’t simpleng pamilya.

Matuling lumipas ang dalawang taon hanggang sa sumapit ang mga pangyayari na ni sa hinagap ay hindi sumagi sa aking isipan na ako ay makakagawa ng ganoon. Ganito po ang buong pangyayari.

Mayo 18, 1995, isang gabing matahimik at umuulan nang pasukin kami ng mga magnanakaw at pilit na kinuha ang pinagbentahan ng aming palay. Hindi pa sila nasiyahan pagkat pati ang aming kalabaw ay hinila pa nila. Tanging ‘yun na lang ang inaasahan kong katuwang upang kami ay mabuhay, kung kaya’t sa isang saglit ay nagdilim ang aking paningin at hinablot ko ang tabak na nakasabit sa aming dingding sabay lundag sa bintana at pinagtataga ko ang mga iyon. Nang mahimasmasan ako ay nasa loob na ako ng selda at noon ko natanto na dalawa pala ang napatay ko.

Lubos akong umasa na mapapawalang sala ako lalo’t matibay ang aming ebidensiya na talagang pinagnakawan nila dahil mismong sa aming bakuran pa sila nadisgrasya. Ngunit nang dumating ang takdang araw o desisyon ay taliwas sa aking inaasahan at ang naging hatol ng huwes sa kaso kong double homicide ay dalawang kulong ng 10-17 taon.

July 18, 1996 nang ako ay mahatulan at Oktubre 8 naman nang ako ay ilipat ng N.B.P. Noong bagito pa ako ay dumadalaw pa rin naman ang aking kasintahan ngunit nang lumaon ay nabalitaan ko na lang na nag-asawa na siya. Masakit man sa kalooban ko ay wala akong magagawa. Ito ang isa sa mga dahilan kaya ako sumulat sapagkat lubos akong umaasa na sa pamamagitan ng malaganap n'yong column ay magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.

Hanggang dito na lang at nawa’y mailathala ninyo ang aking naging karanasan sa buhay. Gumagalang,

Alex Baccay

c/o Pastor Jonathan Anteza

N.B.P. Ministries

P.O. Box 213,

P.P.C. 5300 Palawan


Dear Alex,


Nakikisimpatya ako sa mga pangyayari sa buhay mo. Talagang totoo na hindi lahat ng mga nakakulong ay nabibigyan ng fair trial at tamang hatol. Tunay nga na kung minsan ay hindi parehas ang ating justice system.

Pero magkagayunman, humahanga ako sa tibay ng iyong loob (gayundin sa iba pa nating mga kababayan na katulad mo rin ang sitwasyon) at patuloy na pananalig sa Maykapal sa kabila ng mga masasaklap na naganap sa buhay mo.

Ang totoo niyan, maraming mga sulat ang natatanggap ng column na ito mula sa mga kababayan nating bilanggo na nangangailangan ng mga kaibigan na masasabihan nila ng mga sakit ng kanilang damdamin kaya naman katulad ng pagbibigay natin sa iba, minabuti kong agad na ilathala ang iyong sulat.

Nawa ay makakita ka ng maraming mga kaibigan, mga kaibigan na tatanggapin ang iyong sitwasson at uunawain ka anuman ang naging kasalanan mo sa lipunang ito. At anong malay mo, mula sa mga kaibigan na ito ay makita mo ang babaeng muling magpapatibok ng iyong puso. Good luck and God bless.

Dr. Love

Show comments