Magandang araw po sa inyo. Isa po ako sa masusugid ninyong tagahanga at tagasubaybay ng inyong pahayagan.
Tawagin na lamang ninyo akong Lulu, tubong Visayas at ngayon ay nagtatrabaho rito sa Metro Manila bilang isang sekretarya sa pribadong opisina.
Matagal akong naghintay bago ako nakapasok sa opisinang ito at laking pasasalamat ko nang makapasa ako sa eksamen at natanggap sa nabakanteng puwesto.
Dati ay mayroon akong boyfriend sa aming probinsiya pero dahil namamalagi na ako dito sa Maynila, nagkalimutan na kaming dalawa at ngayon nga ay mayroon na siyang ibang mahal.
Hindi ko naman masyadong dinamdam ang nangyari dahil nagkaroon ako ng crush sa aking boss pero ang paghanga ko namang ito ay walang kasukling damdamin.
Nagsusumipag ako sa trabaho sa ambisyong mapansin hindi lang para mabigyan ng promosyon at umento sa sahod.
Pero parang malamig na tingga ang puso ng boss ko at kahit pa anong pagpapaganda ko sa kanya ay hindi niya ako pinapansin matangi sa atensiyong may kinalaman sa aking trabaho.
Inalam ko sa matatagal kong kasamahan sa trabaho kung bakit parang walang hilig sa babae si boss at nalaman kong maaga pala siyang nabiyudo at talagang wala na siyang panahon para sa mga babae.
Hindi ko malaman kung ano ang gagawin ko para lang mapansin ng boss ko ang mga personal kong katangian bukod sa mahusay kong pagganap sa aking tungkulin.
Tama ko bang alagaan ang damdamin ko para sa kanya dahil talagang crush ko siya? Gumagalang,
Julie
Dear Julie,
Bagaman moderno na ngayon ang panahon at ang mga babae ay nakapagbibigay na ng mga hiwatig sa mga lalaki na gusto nila sila, sa kaso mo, mas makabubuting hintayin mo na lang kung ang boss mo ang kusang magbibigay ng pangunang hakbang para malaman mong nagugustuhan ka rin niya.
Baka kung magpilit kang mapansin ng boss mo ay mawalan ka pa ng trabaho. Mahirap humanap ng empleyo ngayon.
Kung ganyang biyudo pala ang boss mo, walang sabit ika nga, kung talagang gusto ka niya, madali para sa kanya na maipaalam ang damdamin niya.
Hindi mo rin nabanggit sa sulat mo kung may napansin kang kakaibang atensiyon ang iyong boss sa iyo.
Ibig sabihin, ang atensiyon niya sa iyo ay iyong tinatawag na nasa "professional level." Hintayin mo na lang na mapansin ka niya.
Hangad ng pitak na ito ang patuloy mong pagtangkilik sa aming pahayagan.
Dr. Love