Magpakalalaki ka

Dear Dr. Love,

Isa pong magandang araw sa inyo at sa mga kasamahan ninyo sa PSN.

First time ko pong sumulat sa pitak na ito na araw-araw kong nababasa. Sumulat po ako para humingi ng payo.

Tawagin na lamang ninyo akong Bimboy, 15 years-old ng Immaculate Heart of Mary School. Ako po ay nasa first year high school.

Ang problema ko po ay si Lenlen na kapitbahay ko. Siya ay 16 years-old at nag-aaral sa Pacita Complex National High School.

May gusto po ako sa kanya at hindi niya alam iyon. Ang alam niya ay magkaibigan kami na laging nagbibiruan at nagkukulitan. Hinahatid ko siya sa school nila at sinusundo.

Minsang sinundo ko siya, sinabi ko sa kanya na mahal ko siya. Hindi siya sumagot. Minsang nagkukuwentuhan kaming tatlo ng kaibigan ko, sinabi ni Lenlen sa kaibigan ko habang bumibili ako ng softdrinks na mahal ako ni Lenlen. Doon nagsimula ang bagong level ng relationship namin.

Pero ilang araw ang lumipas, hindi po ako pinapansin ni Lenlen sa hindi ko malamang dahilan. Pinuntahan ko siya sa bahay nila pero sinabi ng kapatid niya sa akin na ayaw akong makita ni Lenlen at isinauli pa niya ang mga sulat na ibinigay ko sa kanya.

Nalaman ko rin na may iba na siyang mahal, si Dhuds. Dr. Love, mahal na mahal ko po si Lenlen at naiiyak po ako kapag naiisip ko na may iba siyang mahal at hindi ako.

Ano po ang gagawin ko? Hindi ko siya malilimutan. Tulungan po ninyo ako. Gumagalang,

Bimboy


Dear Bimboy,


Magpakalalaki ka at matutong tumanggap ng kabiguan. Kung mahal mo si Lenlen, igagalang mo ang kanyang desisyon.

Manatili kang isang kaibigan sa kanya at malay mo, baka mabago ang ihip ng hangin at dumating ang panahong mari-realize niya na ikaw pala ang kanyang mahal.

Sa gulang ninyo ngayon ay napakabata pa ninyo kapwa. Marami pang pagbabago ang darating kaya huwag seryosohin ang pag-ibig. Dr. Love

Show comments