Ipinanalangin ng mga pastor ang lugar na ito sa pangunguna nina Albert Carasig, Val Magbanua, Abraham Calunsag at iba pa nilang mga kasamahan na baguhin ang establisimiyentong ito ng Panginoong Jesu-Cristo. Sa halip na itoy maging pugad ng laman, idinalangin nila na itoy maging tahanan ng Diyos at ang tunay na mga mag-asawa lamang ang pwedeng magtungo rito at hindi ang mga kabit o kalaguyo o mga magnobyo.
Ipinanalangin din nila na ang mga may-ari ng negosyong ito ay makakilala sa Panginoong Jesu-Cristo. Isang taon ang lumipas, isa sa mga anak ng may-ari ng Anito Lodge at mga sangay nito gaya ng Wise Hotel at Kabayan na si Wyden King, ay naging Born Again. Simula nang siyay magkaroon ng personal na ugnayan sa Panginoong Jesu-Cristo bilang sarili niyang Tagapagligtas, Panginoon at Diyos, nag-iba ang kanyang mga pananaw at patakaran sa buhay.
Dati-rati, gusto niya na sa loob ng isang taon, tatlong lodge ang maipatayo sa Metro Manila dahil maganda ang kita rito. Kumikita ang sangay nila sa Pasay ng P230,000 buwan-buwan. Ito ang pinakamalakas na lodge sa lungsod ng Pasay at pinakasikat sa Metro Manila sa hanay ng mga motels.
Makita lamang ang Anito Lodge, ang nasa isip agad ng mga tao ay first-class ito na motel. Maganda naman talaga ang loob nito pati na ang serbisyo. Dinudumog nga ang Anito Lodge ng mga magkasintahan at magkalaguyo lalo na kapag Araw ng mga Puso.
Nang makilala ni Wyden King si Jesu-Cristo, kanyang ipinanalangin kung papaano niya babaguhin ang ganitong lugar para hindi na magamit sa kasamaan.
Ang ginawa ni King, inalis niya ang rebulto ng anito sa harapan ng Anito Lodge at binago ang facade ng gusali. Pinalitan ang pangalan na Anito Lodge ng Status Married Couples Place. Ang mas matindi pa, ang puwede lamang na makapasok sa naturang establisimiyento ay mga tunay na mag-asawa. Kung walang marriage certificate o wedding ring o iba pang katibayan bilang mag-asawa, hindi sila pinapapasok.
Ganito ngayon kahigpit ang pamamalakad ni Mr. King kaya bumaba ang kita ng lugar motel na ito. Minsan pa nga ay nasi-zero sila sa isang araw.
Sa kasalukuyan, siyam pang lodges ng Anito Lodge Corp. ang babaguhin. Subalit dahan-dahan itong bumabangon at sa kasalukuyan ay gumaganda na ang kinikita. Minsan ay dinudumog sila ng mga mag-asawa nang malaman nila ang mga pagbabagong ito.
Purihin ang Panginoong Jesu-Cristo dahil ngayon ay ginagamit na ang lugar na ito para sa kapurihan ng Diyos na buhay sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo.
Mabuhay si Sir Wyden King at mga kasamahan ko. Patuloy tayong pagpapalain ng Diyos.
Jun Enriquez
Pasay City
(Sa mga nais humingi ng payo, panalangin, pagpapala at iba pa, tumawag lamang sa mga telepono ng CLSF: U-belt, 733-1087; Pandacan, 533-5791/563-2809; Tondo, 251-8243/252-6649; Malabon, 2738256/270-3863; Q.C., 724-0676; Parañaque, 821-5335; Cainta, 656-7998 at Mandaluyong, 533-5171.)