Salamat sa mga rosas

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa masugid na mambabasa ng inyong pahayagan at ng inyong colum.

Kaya naman, hindi ako nangiming lumiham sa inyo dahil sa kasalukuyang kong problema na alam kong hindi ninyo ipagkakait ang inyong payo.

Nito pong nakaraang Valentines Day, tumanggap po ako ng 12 pulang mga rosas pero hindi naglagay ng pangalan ang nagpadala nito sa akin.

Ang nakasaad sa tarheta, isa siyang tagahanga at mananatiling lihim ang kanyang identity dahil alam niyang mayroon na akong boyfriend.

Marami akong pinaghihinalaang nagpadala nito sa akin sa opisinang pinaglilingkuran ko. Marami kasi akong mga kaibigan babae man o lalaki. Pero hindi ko alam kung dapat ko pang hulihin ang isa sa kanila bilang nagpadala ng mga bulaklak sa akin.

Naging tampulan tuloy ako ng panunukso sa dibisyon namin dahil nga sa tagahanga kong ayaw magpakilala sa akin.

Dapat ko pa po bang kilalanin ang taong ito na nakapagbigay sa akin ng palaisipan sa nakalipas na araw?

Ang sabi ng bf ko, huwag ko na raw alamin kung sino ito dahil ayaw na ngang magpakilala ang tao.

Pero curious ako sa taong ito na sinasarili ang kanyang damdamin dahil alam niyang wala na siyang pag-asa.

Tama po ba ang payo ng bf ko? Magseselos kaya siya kung ipursige ko pa ang isyung ito?

Salamat po sa payong ibibigay ninyo at more power to you.

Lovingly,
Cita


Dear Cita,


May karapatan kang alamin kung sino ang taong ito na naging palaisipan sa iyo ang pagkimkim ng lihim na paghanga.

Pero kung ito naman ang pagmumulan ng pagkakasamaan ninyo ng loob ng bf mo, ipagwalangbahala mo na lang.

Sigurado namang lalabas din ang lalaking ito kung talagang masama ang tama niya sa iyo.

Huwag mo na lang ipagmakaingay na hinahanap mo siya. Baka pa mapahiya ang tao kung gusto man niyang lumabas at magpakilala.

Dito mo makikita kung talagang malakas ang loob ng taong ito na kahit alam na niyang may kasintahan ka na ay nagnanais pa ring mailabas ang kanyang damdamin bagamat lihim na lihim nga lang ang kanyang katauhan.

Dr. Love

Show comments