Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong column at binabati ko kayo gayundin ang malaganap ninyong pahayagan sa malaking serbisyong naibibigay ninyo sa mambabasa.
Kaya nga po naglakas-loob akong sumulat sa inyo para hingin ang mahalaga ninyong payo sa kasalukuyan kong problema.
Ang suliranin ko po ay may kinalaman sa pagmamadali na ng aking kasintahan na kami ay makasal. Ang dahilan po, mangingibang-bansa siya para doon magtrabaho at hindi raw niya gustong nag-iisip siya sa paglalayo namin. Ang kontrata po niya sa abroad ay limang taon at makakauwi lang siya pagkaraan ng dalawang taon para sa ilang linggong bakasyon saka babalik uli para tapusin ang nalalabing taon ng kontrata.
Gusto ko sanang magpakasal na kami pero ang inaalala ko po ay ang aking pamilya. Ako lang ang inaasahan ng aking tatlong kapatid na nag-aaral pa dahil nagkaroon ng problemang pangkalusugan ang nagretiro ko nang ama.
Nahahati po ang aking atensiyon sa kasalukuyan sa pagitan ng obligasyon sa pamilya at aking nobyo.
Sinikap kong maunawaan ako ng aking boyfriend sa kasalukuyan kong problema pero ang sagot niya ay matagal na raw siyang naghintay.
Hindi ko kayang pabayaan ang mga kapatid ko na nag-aaral pa dahil noong panahong nasa kolehiyo ako, dalawa sa kanila ang pansamantalang nahinto para pagbigyan muna akong makatapos.
Mahal ko ang aking nobyo pero mahal ko rin ang pamilya ko.
Ano po ba ang dapat kong gawin? Maraming salamat po,
White Lily
Dear White Lily,
Mapalad ang mga magulang mo at kapatid sa pagkakaroon ng isang tulad mong marunong tumanaw ng utang na loob.
Kung saan gagaan ang kalooban mo, iyon ang pagpasyahan mo. Sikapin mong timbangin ang mga maaaring maging epekto ng desisyon mo dahil dito nakasalalay ang kaligayahan mo.
Mayroon ka ngang asawa kung nakikita mong naghihirap naman ang pamilya mo, makakatulog ka ba?
Maaari ka pang humanap ng ibang nobyong makakaunawa sa kalagayan mo pero mahirap humanap ng mga kapatid at magulang na siyang tunay mong kadamay sa lahat ng hirap o ginhawa.
Baka naman puwede pang mabago ang pananaw ng boyfriend mo. Walang basehan ang kanyang pangambang kung nasa ibang bansa siya ay baka mayroon pang ibang makaagaw sa iyo sa pagmamahal.
Pagpaliwanagan mo siya nang husto at kung talagang mahal ka niya, maaaring magkaroon kayo ng compromise formula para makabuo ng isang kasunduang hindi mo pagsisisihan.
Dr. Love