Paano kung hindi ikaw ang tinutukoy?

Dear Dr. Love,

Hello! Isa po ako sa masugid ninyong tagasubaybay. Tawagin na lamang ninyo akong Honey.

Mayroon po akong kaibigan. "Gay" po siya. Anim na taon na kaming close sa isa’t isa. Una ko pa lang siyang nakita ay nagkaroon na ako ng pagtingin sa kanya dahil po ang pogi-pogi niya at mabait siya. Hindi n’yo po aakalain na gay siya dahil ang porma niya ay parang isang tunay na lalaki.

Sa tagal po ng pagkakaibigan namin ay tinutukso na kami ng mga kapitbahay namin dahil sobra ang sweetness namin sa isa’t isa, para kaming mag-on.

Minsan ay tinanong ko siya kung gusto niyang magkaroon ng pamilya balang araw. Sabi niya ay oo naman daw. Tinanong ko siya kung sino ang masuwerteng babae na pakakasalan niya. Ang sabi niya ay nasa tabi-tabi lang daw at kilala ko raw ito.

Ang problema ko po ay gusto kong malaman kung mahal din niya ako at sana ay magtapat na siya sa akin. Para kasing nag-aantayan lang kaming dalawa kung sino ang mauunang magtapat e inip na inip na po ako. Ano po ba ang dapat kong gawin?

Sana ay matulungan ninyo ako at bigyan ng magandang payo sa problema ko. Marami pong salamat.

Gumagalang,

Honey


Dear Honey,


Gaano ka kasigurado na ikaw nga ang tinutukoy niyang gustong pakasalan pagdating ng araw? Binanggit ba niya ang pangalan mo?

Pero granted na ikaw nga iyon, bakit hindi ka na lang maghintay na magsabi siya o magtapat sa iyo? Bakit gusto mong mauna kang magsabi? Hindi gawain iyan ng isang matinong babae kahit na ba sinasabi nilang moderno na ang panahon ngayon. Baka kapag ginawa mo iyan ay ma-turn off siya sa iyo at pagsisihan mo pa ito.

Ang dapat mong gawin ay maghintay lamang sa kanyang pagtatapat. Take your time. Baka siya man ay naghihintay lamang ng tamang panahon at pagkakataon. Pero teka, ang sabi mo ay gay siya. Paano na iyon?

Dr. Love

Show comments