Suko na ako

Dear Dr. Love,

Dati po akong isang Japayuki na nakapangasawa ng isang Hapones. Nagkaroon ako ng dalawang anak sa kanya pero pagkaraan ng apat na taon, umuwi ako dito sa Pilipinas at hiniwalayan ang banyaga kong asawa. Naiwan sa kanya ang aking mga anak.

Hindi ko na talaga makaya ang pahirap na ginagawa niya sa akin. Mabait lang siya kapag napagbibigyan ko siya sa mga hinihiling niyang kalaswaan sa sex. Seloso siya at demanding at ayaw niya akong bigyan ng pagkakataong magkaroon ng disposisyon sa aming tahanan.

Umuwi ako dito nang may pangakong babalik sa Japan para kunin ang aking mga anak kapag bumuti na ang aking katayuan sa buhay.

Sa ngayon ay hindi ko pa kayang maibigay sa aking mga anak ang nakagisnan nilang buhay sa isang modernong siyudad.

Sa ngayon ay may nanliligaw sa akin. Pero ang type ko lang sa kanya ay ang ginhawang maibibigay niya sa akin para madali kong mababalikan ang aking mga anak sa Japan.

Sa tingin po na ninyo ay dapat kong tanggapin ang manliligaw na ito para lang makuha ko ang aking mga anak sa dati kong asawa?

Hangad ko po ang patuloy na pagtatagumpay ng inyong column at more power to you. Maria


Dear Maria,


Parang pelikula pala ang buhay mo. Pero hindi mo dapat na isisi ang kapalaran mo sa kasalukuyan mong katayuan sa buhay.

Siguro naman, kung daragdagan mo pa ang tiyaga at sikap, pasasaan ba’t makakaahon ka rin sa hirap.

Huwag mong iasa sa iba ang kalutasan ng sariling problema. Baka masilat ka uli tulad ng nangyari sa una mong asawa.

Huwag mong kalimutan ang pagtawag sa Panginoon at dagdagan mo ito ng sikap.

Sana, magkatotoo ang lahat mong pangarap sa buhay, una sa pagbawi mo sa naiwan mong mga anak sa Japan.

Dr. Love

Show comments