Isang mapagpalang araw sa inyo, sampu ng inyong mga kasamahan sa PSN.
Matagal na ninyo akong tagasubaybay. Marami po kayong natutulungan kaya naman sa inyo ako lumapit para humingi ng payo nang malunasan ang aking problema.
May asawa na po ako at 10 taon na kaming kasal. May dalawang anak po kami. Matagal ko na pong pinagdududahan na may milagrong ginagawa ang aking asawa.
Hanggang sa matuklasan ko na isa pala akong baog nang magpatingin ako sa isang espesyalista.
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa natuklasan kong ito. Ang ibig palang sabihin nito ay hindi ko mga anak ang dalawang batang mahal na mahal ko po naman.
Tinapat ko po ang aking asawa kung ano ang score ng aming pagsasama at sinabi ko sa kanya ang lumabas na pagsusuri ng doktor.
Tumanggi po siya at nagalit pa sa akin dahil pinagbibintangan ko raw siya nang walang katotohanan.
Hinamon po niya ako ng hiwalayan dahil sa bintang ko sa kanya na wala raw ni katiting na katotohanan.
Mahal ko po ang aking asawa at mga anak. Pero ano po ang masasabi ninyo sa lumabas na pagsusuri ng manggagamot?
Naguguluhan po ako. Wala rin naman po akong makitang ebidensiya sa masamang kutob ko sa pagtataksil ng aking asawa.
Tulungan po ninyo ako.
Hindi ko rin naman madesisyunan kung dapat ko na ngang hiwalayan ang aking asawa. Bobby
Dear Bobby,
Medyo malabo ata ang deklarasyon mo hinggil sa hinalang nagtataksil ang iyong asawa. Ang sabi mo, wala ka namang makitang ebidensiya sa mga sinasabi mong pagdududa.
Makabubuting kumuha ka ng ikalawa o ikatlong opinyon ng manggagamot kung talagang baog ka nga.
Mayroon din namang mga pagkakamaling nangyayari sa mga pagsusuring medikal.
Malay mo, isa ka doon sa mga biktima ng maling diagnosis.
Masamang lagi kang pinamamahayan ng mga duda na wala namang basehan. Maaaring selos lang ang namamahay sa iyo.
Sinabi ba sa iyo ng manggagamot kung likas kang baog o nabaog ka dahil sa mga dahilang pisikal pagkaraang magka-anak sa misis mo?
Huwag kang padalos-dalos sa pagpapasiya dahil nakataya rito ang kinabukasan ng pamilya mo.
Dr. Love