Puppy Love

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Lumiham po ako sa inyo para humingi ng payo sa aking problema sa pag-ibig.

Ako po ay 15 taong-gulang at maaaring masabi ninyo na lubhang bata pa ako para magkaroon ng problema sa puso.

Ganito po kasi iyon. Nang magbakasyon ako sa Boracay, may nakilala po akong lalaki at na-inlove ako sa kanya. Maaaring sabihin ninyo na ito ay puppy love lamang. Pamangkin po siya ng asawa ng tito ko. Nagtagal ang bakasyon ko sa Boracay at hindi naglaon ay nagtapat siya ng kanyang pag-ibig sa akin. Hindi niya alam na love ko rin siya.

Okey na sana ang pangyayari. Kaya lang ay nagkaproblema dahil magkalayo kaming dalawa. Siya ay nag-aaral sa Maynila at ako ay sa Bacolod. Pero nangako siya na susulatan ako at tatawagan sa telepono.

Dapat ba akong maniwala sa kanya? Dapat ko pa bang ipagpatuloy ang pagmamahal ko sa kanya? Sana ay mabigyan ninyo ako ng payo. Hanggang dito na lang po at hihintayin ko ang maganda ninyong payo.Ms. Pisces

Dear Ms Pisces,


Napakabata mo pa para maging seryoso sa isang relasyon sa puso. Gayunman, hindi naman masama kung magpapatuloy ka ng pakikipagkomunikasyon sa sinasabi mong binata na nagpatibok ng iyong puso.

Mabuti kung totohanin niya ang pangakong susulat sa iyo o tatawagan ka sa telepono. Kung tutuparin niya ang sinabi sa iyo, nangangahulugan lamang na maaaring totoo ang intensyon niya sa iyo. Kung hindi naman, ang pagtatapat niya ng niloloob sa iyo ay panandalian lang. Kung ang edad niya ay tulad ng sa iyo, hindi pa siya seryoso sa relasyong nauukol sa puso.

Walang masama kung magsulatan kayo para higit na magkakilala. Sandali lang naman ang pagkakakilala ninyo sa isa’t isa kung kaya’t hindi mo masasabing pag-ibig na nga ang nararamdaman mo. Maaaring paghanga lamang.

Huwag mong isiping mabuti ang lalaking iyon. For the meantime, pagbutihin mo ang pag-aaral mo, magsikap na makatapos sa kolehiyo at kung talagang ukol kayo sa isa’t isa, lalawig ang pagkikilala ninyo hanggang sa mapagpasyahan ninyo sa isa’t isa na kayong dalawa ay nararapat sa isa’t isa.

Cheer up and look at the positive side of life.

Dr. Love

Show comments